Galit na galit sa ginawa kay Mr. Fu… CRISTY: MAGDIDILDIL NA LANG AKO NG ASIN KESA MAKASAMA SI KRIS
- BULGAR

- Nov 7, 2020
- 4 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 7, 2020

Nanghihinayang kami dahil hindi natuloy ang walong linggong episode ng online talk show nina ‘Nay Cristy Fermin, Mr. Fu, Manay Lolit Solis at Kris Aquino na produced ng Puregold. Ito ‘yung pabitin-bitin na kuwento ng huli sa kanyang Instagram account na may makakasama siya sa project na dalawang babaeng nakasama niya sa Startalk at The Buzz.
Ang dahilan ng hindi pagkakatuloy ay dahil hindi inaprub ni Kris na makasama si Mr. Fu, bagay na hindi nagustuhan nina ‘Nay Cristy at Manay Lolit.
Simula ng kuwento ni 'Nay Cristy, kinuha silang tatlong hosts ng online show (FB live)
na Take it Per Minute, Me Ganu’n ng Puregold at S&R para gumawa ng show kasama nga si Kris.
Ang magiging setup, silang tatlong hosts ay nasa Obra ni Nanay Gallery habang si Kris ay nasa Cornerstone studio ng manager nitong si Erickson Raymundo.
“Plantsado na (online show), pinapupunta kami ng Sabado (studio) para sa technical rehearsal, ayaw namin kasi magsu-swab daw kami, ayaw din namin. Sa madaling salita, ibinigay ang gusto namin ng Puregold kaya walang problema," kuwento ni ‘Nay Cristy sa kanyang Cristy Per Minute show sa Radyo Singko 92.3 News FM nitong Huwebes, Nobyembre 5, kung saan co-host niya si Rommel Chika.
Sa naganap na meeting ng Puregold at nina Manay Lolit, Mr. Fu at production staff ng Take It Per Minute, Me Ganu’n ay hindi nakadalo si ‘Nay Cristy dahil kailangan niyang umuwi ng bahay nila para sa radio program niyang CPM.
Sa pagpapatuloy ni ‘Nay Cristy, “Heto na, nagsalita itong Kris Aquino, ipinabasa sa amin ni Manay Lolit Solis ang kanyang text, ang sabi, kami lang daw ni Manay Lolit ang gusto niyang makasama, hindi raw niya kilala si Mr. Fu at hindi namin ka-level.
“Ako po at si Manay Lolit ay nasaktan para kay Mr. Fu. Kilala namin si Mr. Fu, alam namin kung paano makipagkaibigan, makisama, team player at napakasayang kasama ni Mr. Fu at may naabot na rin naman sa linyang kanyang kinabibilangan, ‘yung ‘May Ganu’n’ nga niya, ginagaya na kahit saan, hindi niya kilala?
“Sinabi namin kay Mr. Fu na mas magandang malaman na niya mula sa amin kaysa sa iba. Binasa ni Mr. Fu (ang text message ni Kris kay Manay Lolit), huminga siya nang malalim, tapos sinabi niya, ‘Nanay, ‘wag ka nang magalit, keri ko ‘to!' Pero ang boses ni Mr. Fu, parang naghihintay ng yakap, parang ninakawan siya ng self-esteem, parang minenos siya, parang minaliit na hindi na nga parang kasi iyon talaga ang kanyang nararamdaman."
Kasunod nu'n, nag-CR daw si Mr. Fu at nang sundan niya, nakita niyang pinipigilan nito ang luha.
"Hindi na ako napakali mula noon. Sabi ko, heto na naman si Kris, minsan na niyang ginawa kay Wendell Alvarez, heto na naman ang pagiging power tripper niya.
“Power trip ‘yun, eh. Para sa akin, power trip ‘yun. Nandoon ‘yung tao (Mr. Fu) nu’ng mag-meeting kasama ang mga taga-Puregold, nandoon si Mr. Fu nang pag-usapan ang plantilya kung paano ibibigay ang programa, itong walong linggong tatakbo na special project, tapos bigla niyang ilalaglag. Ayoko nang gawin ‘yung programa!"
At dahil ayaw na ngang gawin ni 'Nay Cristy ang show ay ayaw na rin itong gawin ni Manay Lolit.
Mahal ni ‘Nay Cristy si Kris dahil anak-anakan niya ito sa showbiz.
Aniya, “Ipinagtatanggol ko si Kris kapag nasa tama siya, pero pinipitik ko siya para sa akin kapag hindi tama ang kanyang mga ginagawa."
At bilang paalala, sabi niya rito, “Ilang ulit ka nang nadapa, may kasabihan na hindi ito kuwestiyon ng kung ilang ulit kang nadapa dahil ang pinakamahalaga ay ang pagbangon.
“Ilang ulit na niyang sinaktan ang tadhana, ilang network na ang nilapitan mo na hindi ka tinanggap? Bakit pati mga proyektong indibidwal na gagawin mo tulad nu’ng sa amin, hindi rin natuloy dahil sa pagpa-power trip mo?
“Parang ikaw pa rin ‘yung reyna na nakaupo sa pulpita na may trono at parang IKAW pa rin ‘yung gitna ng mundo, samantalang isa ka lang sa mga bituin ng mga planetang umiikut-ikot, hindi ikaw ang araw!"
Sa galit pa ni 'Nay Cristy, kahit daw bigyan sila ng tig-iisang branch ng Puregold, hindi nila gagawin ang show dahil ayaw nilang makasama si Kris.
“At ako mismo, kahit ano pa ang gawin mo, magdidildil ako ng asin, Kris Aquino, ‘wag ka lang makasama dahil sa pananakit mo sa mga kasama at kaibigan namin na hindi mo kilala kung ano ang papel sa buong mundo! Hindi namin gagawin ang proyekto!" galit na pahayag ng beteranong manunulat at radio host.
Pero 'di pa ru'n natapos si 'Nay Cristy dahil naglitanya pa siyang…“Hindi pa rin po siya nakipagkilala sa pagiging mapagkumbaba. Hindi pa rin po siya naging humble sa pagdaraan ng maraming dagok sa kanyang personal na buhay at karera. Hindi pa rin tumitigil ang kanyang dilang namantikaan sa pangmamaliit sa mga taong makakatrabaho niya!
“Kung wala kang respeto sa sarili mo, kung wala kang respeto sa kapwa mo katrabaho, ano'ng proyekto ang matutuloy para sa ‘yo?”
Sa huli, ipinagdiinan ni 'Nay Cristy na ATTITUDE pa rin daw ang pinakaimportante kesa sa TALENTO.
Anyway, umaasa ang Bulgar na sana ay magkaayos na sina ‘Nay Cristy at Kris.





Ang yabang naman ni cristy fermin.. kakainin mo yan sinabi mo.. mark my word. Talo mo pa ang bata samantalang yung mga kasamahan mo nagtatawanan sila ikaw naman parang pusa na kumikiri kakangakngak...d ka ba nahihiya sa ugali mong yan? Tama na Cristy.. matanda ka... wag nang idahilan ang mga linyang may pinaglalaban ka.. lumang tugtogin na yan!