Galing sa kasalan, sasakyan nahulog sa bangin… 6 na estudyante, patay; 2 sugatan

ni Zel Fernandez | April 22, 2022

Anim na estudyante ang namatay at dalawa ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang isang AUV na sinasakyan ng mga biktima sa Brgy. Catengan sa bayan ng Besao, Mountain Province, bandang alas-4:20 ng madaling-araw nang Huwebes, Abril 21.
Kinilala ang dalawa sa mga nasawi na residente ng Brgy. Catengan, Besao na sina Rhema Sumingwa, 18-taong gulang at Merley Docyogen, 17. Habang ang apat naman ay mga taga-Brgy. Patiacan sa bayan ng Quirino, Ilocos Sur na sina Johnwayne “Lip-aw” Aligan, edad 15; Lendel Keith Alfonso, Hazel Solang at Dalog Kawi Mangallay, drayber at may-ari ng sasakyan, pawang mga 19-anyos.
Samantala, agad namang isinugod sa Besao District Hospital ang dalawang sugatang estudyante na kapwa naninirahan sa Brgy. Patiacan, Quirino, Ilocos Sur na kinilalang sina Lander Maticyeng, 17-anyos at Novelyn Sagantiyoc, 18.
Bandang alas-8:45 ng gabi ng mismong araw ng aksidente, ang isa sa dalawang survivors na si Lander Maticyeng ay dinala sa Luis Hora Memorial Regional Hospital para sa iba pang proseso ng gamutan; habang si Novelyn Sagantiyoc ay nananatiling under observation sa Besao District Hospital.
Samantala, ang mga labi nina Rhema Sumingwa at Merley Docyogen ay naiwui na sa kanilang mga residensiya sa Catengan, Besao, Mountain Province. Ang mga labi naman nina Lendel Keith Alfonso, Hazel Solang, Dalog Kawi Mangallay at Lip-aw Aligan ay ibiniyahe, nitong umaga ng Abril 22, 2022, ng kanilang mga kamag-anak kasama ng mga opisyal ng Brgy. Catengan, Besao sa kanilang mga tahanan sa Patiacan, Quirino, Ilocos Sur.
Ayon kay Police Staff Sergeant Jones Dalasen, galing sa kasalan sa Brgy. Laylaya sa bayan ng Besao ang mga magkakabarkdang biktima nang mangyari ang aksidente.
"Noong mga 4-5 a.m. nang madaling-araw ng April 21, may narinig ang mga tagaroon sa Sitio Bunga na may ‘crashing sound’ kaya sila pumunta para ma-verify kung talagang may car accident na nangyari pero wala silang nakita na indication na parang may nahulog o naaksidente na sasakyan kaya sila umuwi. Pero noong hapon na may pauwi na galing sa kanyang field na matanda, nakita niya po na may sumisigaw na saklolo at tsinek niya sa surroundings ay may nakita siyang lalaki na sugatan, humihingi ng tulong... kaya tumawag na siya ng tulong sa barangay," sabi ni Dalasen.
Agad namang rumesponde ang mga awtoridad ng Besao MPS at 1st Coy MPPMFC 4th Maneuver Platoon kasama ang BFP-Besao at Besao-MHO sa lugar na pinangyarihan ng aksidente.
"Twisted na po ang mga katawan (ng mga namatay), hindi na po maipaliwanag, 'yung sasakyan wasak na," dagdag ni Dalasen.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nasa 150 metro ang lalim ng bangin mula sa kalsada kung saan nahulog ang sinasakyang Tamaraw FX ng magkakabarkada na may plakang UCZ 739.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga pulis ang sanhi ng pagkakahulog ng sasakyan sa bangin.





Comments