by News @Balitang Probinsiya | September 10, 2024
South Cotabato — Tatlong HVT na drug pusher ang dinakip ng mga otoridad sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. Magsaysay, Polomolok sa lalawigang ito.
Ang mga suspek ay kinilala ng mga otoridad sa mga alyas na “Esoy,” “Bon” at “Jay,” pawang nasa hustong gulang at mga residente ng nasabing bayan.
Nabatid na may tinanggap na impormasyon ang pulisya na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya naaresto ang tatlong drug pusher sa buy-bust operation.
Napag-alaman na nakakumpiska ang mga otoridad ng limang pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.
Nakapiit na ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
LOLO, NATAGPUANG PATAY SA PALAYAN
AKLAN -- Isang 75-anyos na lolo ang natagpuang patay kamakalawa sa palayan sa Brgy. Solido, Nabas sa lalawigang ito.
Ang biktima ay kinilala lang sa pangalang Victor Sumanga, nakatira sa nabanggit na bayan.
Nabatid na ilang residente ang nakatagpo sa bangkay ng biktima sa nasabing palayan.
Napag-alaman na huling nakitang buhay ang biktima habang naglalakad patungo sa palayan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkamatay ng biktima sa nasabing lugar.
VEGETABLE VENDOR, TODAS SA MOTORSIKLO
NEGROS OCCIDENTAL -- Isang vegetable vendor ang namatay nang mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa sa Brgy. Mabini, Villadolid sa lalawigang ito.
Sa kahilingan ng pamilya ng biktima ay hindi na isinapubliko ng pulisya ang pangalan nito na nakatira sa nabanggit na bayan.
Ayon sa ulat, tumatawid sa kalsada ang biktima nang mabangga ng motorsiklo na minamaneho ng hindi pinangalanang rider.
Nabatid na nagtamo ang biktima ng sugat sa paa at katawan, at agad itong dinala ng mga saksi sa pagamutan, pero idineklarang dead-on-arrival.
Nangako naman ang rider na sasagutin niya ang gastos sa ospital, punerarya at lahat ng danyos sa pagkamatay ng biktima.