Galaw-galaw para sa mga magsasaka!
ni Ryan Sison - @Boses | March 15, 2022
Hindi pa tapos ang nagaganap na smuggling ng mga produktong agrikultura sa bansa, na nakakaapekto sa mga magsasaka sa Cordillera.
Ayon sa isang opisyal ng kooperatiba ng mga magsasaka, maging ang kanilang gobernador at punong-bayan ay hindi tumutulong upang matugunan ang kanilang reklamo hinggil sa smuggling ng mga gulay, partikular na ang carrots.
Bukod sa carrots, mayroon ding smuggled na luya, broccoli, bawang at sibuyas na mayroong label na “Product of China”.
Giit pa ng opisyal, habang lantaran ang smuggled vegetables na galing China, patuloy ang pagkalugi ng mga magsasaka na nagtatanim ng mga nabanggit na gulay.
Sa Sariaya, Quezon, ilang araw na umanong walang order ang kanilang kooperatiba dahil sa halip umanong sa kanila um-order ang mga dating bumibili ng Baguio vegetables, mas pinipili ng mga ito na bumili ng smuggled na gulay dahil mas mura at hindi madaling masira.
Samantala, nagreklamo na aniya sila sa Department of Agriculture (DA) sa Benguet upang makipagdayalogo sa mga magsasakang naapektuhan ng smuggling.
Sa totoo lang, nakalulungkot na hanggang ngayon ay ito pa rin ang problema. Lantaran na ang pagkalat ng mga ilegal na produktong agrikultura, pero dedma pa rin tayo.
Habang abala ang lahat sa pagbawi sa kani-kanilang kabuhayan, heto pa rin ang ating mga magsasaka. Patuloy na nakikipaglaban sa pagkalat ng mga smuggled na gulay sa merkado, kaya pakiusap sa mga kinauukulan, galaw-galaw ho tayo.
Ang mga magsasaka ang ilan sa mga pinakamasipag nating manggagawa. Bigyan natin sila ng patas na oportunidad upang makabawi sa naluging kabuhayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments