Galak at pag-asa ang hatid ng Pasko para sa mga nalungkot at lumuha ngayon taon
- BULGAR

- Dec 22, 2020
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | December 22, 2020
Tunay na mabilis ang mga araw. At sa nagdaang 12 buwan, ang daming nangyaring pinagmulan ng bumabahang luha — 12 buwan ng lungkot at luha.
Pagod na ang mga mata, halos tuyo na ang luha at wala nang papatak. Subalit, ang hapdi at pighating kasabay ng luha ay nagdudulot ng kakaibang linaw o liwanag sa mga matang nadidilim at nalalabuan.
Ang Pasko na ating sasalubungin ay istorya ng galak at pag-asa.
Noong unang Pasko, naroroon ang tala, si Haring Herodes, ang tatlong pantas, paghahanap sa tala, panunuluyan nina Jose at Maria, sabsaban, mahihirap na pastol, ang mga hayop at ang mga anghel.
Sa taong ito, 2020 ay nagsimula tayong pumalaot upang hanapin ang ligtas, mapayapa, makabuluhan at maunlad na buhay. Maalon at maligalig ang dagat, malalaki ang alon, tulad ng COVID-19, EJK at matitinding bagyo tulad ng Rolly at Ulysses. Ngunit patuloy nating hinanap ang bituwing magtuturo sa sabsaban kung saan isisilang ang Panginoon.
Kilala natin si “Herodes” at ang kanyang mga kampon na patuloy manakot at manlinglang. Meron palagi siyang ibang pakahulugan sa anumang nangyayari — pandemya man o pagpatay sa mga sa tingin niya ay nasasangkot sa ilegal na droga o ang dapat gawin sa panahon ng sakuna tulad ng matitinding bagyo at baha.
Samantala, patuloy pa rin ang paghahanap nina Jose at Maria ng ligtas at lugar para isilang ang kanilang anak. Bagama’t marami ang natatakot tanggapin ang mag-asawa, hindi sila nabigo sapagkat may tumanggap sa kanila, dahil kailangang isilang ang sanggol.
Napakaraming tumulong, nagpakain, nagpadala ng anumang ayuda na makatutulong sa mga nagugutom at nasalanta ng sari-saring sakuna. At natagpuan ng mayaman at mahirap, ng malakas at mahina sa kanilang pagbubukas ng sarili at pagbabahaginan ang mga regalo ng tatlong pantas na may dalang ginto, kamangyan at mira.
Sa mga barung-barong, evacuation centers, COVID-19 isolation tents, iba’t ibang lugar ng hirap at kalungkutan, natagpuan nila ang humahalakhak na sanggol sa piling ng kanyang nagmamahal na mga magulang.
At doon sa itaas, sa paligid ng lungkot at kahirapan, kasabay ng halakhak ng munting sanggol, naroroon ang awit ng mga anghel na nagbibigay-puri, “Haleluya, Haleluya! Ligtas ang Sangol! Ipinanganak na Siya, ang dakilang magliligtas sa laha… Hindi, hindi Bakuna, hindi ang gamot na panglaban sa pandemya. Higit pa Siya rito. Salubungin natin Siya. Tara na, sagwan na…Haleluya, Haleluya. Naririyan na Siya.”





Comments