ni Gerard Arce @Sports | June 26, 2024
Titimplahin ng ZUS Coffee ang unang tikim para sa kauna-unahang No.1 draft pick para sa makasaysayang Premier Volleyball League (PVL) Draft Lottery na inaasahang pipiliin si dating De La Salle University Lady Spikers middle blocker Thea Gagate.
Ang dating Strong Group Athletics, na gagabayan ni coach Jerry Yee, ang koponang unang pipili para sa top spot matapos makuha ang lottery nitong Lunes ng gabi na ginanap sa TV5 Media Center, kung saan binunot ni reigning league MVP Brook Van Sickle ng Petro Gazz Angels ang pangalan ng koponan sa lottery pick.
Naging matunog ang koponan ng Thunderbelles na may 40 porsiyentong makukuha ang top pick, na siyang may pinakamalaking tsansa na manalo sa lottery, upang masiguro ang No.1 pick kasunod ng masamang panimula sa liga sa nagdaang All-Filipino Conference sa 0-11 win-loss rekord.
“First of all, we're very happy for ZUS Coffee kasi kami yung first pick so we have a bigger chance or better chance [na makita] kung sino yung pipiliin namin,” pahayag ni Farm Fresh assistant Justine Dorog, na pansamantalang humalili kay Thunderbelles head coach Jerry Yee, na kanilang sister-team. “Kasi since kami yung first, mas makakapili kami kung sino talaga yung best for the team. I hope na yung first team namin, makatulong talaga siya sa team.”
Magiging malaking tulong para sa Zus Coffee ang 6-foot-2 three-time UAAP Best middle blocker dahil magkakaroon ito ng matinding pangharang sa depensa na makakasama si Dolly Grace Versoza pagdating sa opensa. Mas lalo pang umangat ang laro ng 23-anyos na 85th season UAAP champion sa nagdaang tagumpay ng Alas Pilipinas sa bronze medal finishes sa 2024 AVC Challenge Cup for Women na ginanap sa bansa.
Comments