Gadon, ‘di pa nga eleksyon ikinakampanya na si VP Sara na ‘wag iboto sa 2028

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 24, 2024

BALIK-SUGALAN NA SA BAGUIO CITY, KAILAN KAYA TUTUPARIN NI GEN. PEREDO ANG PROMISE NIYA KAY SEN. TULFO NA SISIBAKIN SI COL. BULYAWAN? -- May nakarating na video kay Sen. Raffy Tulfo, vice chairman ng Senate Committee on Games and Amusement noong March 2024 tungkol sa mga batang paslit na niraraket sa illegal gambling na mini-casino ni “Patrick” sa Legarda, drop balls at color games ni “Nestor” sa
Kayang, kapwa sa Baguio City, at dahil dito ay ipinatawag niya sa Senado sina PNP-Cordillera Director, Brig. Gen. David Peredo at Baguio City chief of Police, Col. Francisco Bulyawan tungkol sa isyung ito, at ipinangako ni Gen. Peredo na ire-relieve niya si Col. Bulyawan kapag hindi ipina-stop ang mga pasugalan sa lungsod. At nangyari naman, ipinatigil ng hepe ang mga illegal gambling kaya nga lang ngayon balik-pasugalan na naman sa Baguio City.
Ang tanong, ngayong balik-pasugalan na sa Baguio City, kailan naman kaya sisibakin ni Gen. Peredo si Col. Bulyawan? Abangan!
XXX
PARA MATIGIL NA ANG DAILY BANGAYAN NG MAG-ASAWA, DAPAT IAPRUB NG SENADO AT NI PBBM ANG DIVORCE BILL NG KAMARA -- Aprub na sa Kamara ang divorce bill, at sana aprubahan na rin ito ng Senado at pagkaraan ay agad na lagdaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) upang maging ganap na batas para ang mag-asawang laging nagbabangayan ay maghiwalay na.
Sa totoo lang, hindi naman apektado sa divorce bill ang mag-asawang maayos ang pagsasama, na ang nais nating ipunto, ang panukalang batas na ito ay para lang sa mag-asawang halos daily ay nagbabangayan dahil sa iisang bahay sila nakatira, pero kapag sila ay legal nang naghiwalay, tiyak stop na ang kanilang bangayan dahil nga sila ay legal nang hiwalay, boom!
XXX
BAKA MAGWALA ANG MGA DDS AT MAGHALO ANG BALAT SA TINALUPAN KAPAG IPINAKULONG NG KAMARA SI EX-P-DUTERTE -- Nais ni Taguig City 2nd Dist. Rep. Pammy Zamora na ipakulong ang lahat ng sangkot sa “gentleman’s agreement” sa China patungkol sa West Philippine Sea (WPS).
Naku, huwag naman sanang isama si ex-P-Duterte sa ipapakulong ng Kamara sa isyung ‘yan kasi kapag ginawa nila ‘yan sa ex-president at sa rami ng Duterte Diehard Supporters (DDS) ay baka magkakagulo at maghahalo ang balat sa tinalupan, period!
XXX
TAGAL PA NG 2028 ELECTION, MISTULANG NANGANGAMPANYA NA SI GADON SA MGA ILOKANO NA HUWAG IBOTO SI VP SARA -- Sabi ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na tiyak daw matatalo si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa anumang posisyong tatakbuhan nito sa 2028 election kasi wala raw Ilokano na boboto sa kanya (Sara) dahil sa paninira ng DDS vloggers kay PBBM.
Pambihira naman itong si Gadon, hindi pa nga sumasapit ang 2025 election, eh ang ginagawa ay mistulang ikinakampanya na niya sa mga Ilokano na huwag iboto si VP Sara sa 2028 election, tsk!




Comments