FVR, hinatid na sa huling hantungan
ni Lolet Abania | August 9, 2022

Naihatid na sa kanyang huling hantungan si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa Libingan ng mga Bayani bago magtanghali ngayong Martes.
Si Ramos, na ika-12 na presidente, ay pinagkalooban ng state funeral na may full military honors.
Isang ecumenical service rin ang nai-celebrate para kay Ramos bago pa ang state funeral ceremonies.
Alas-10:15 ng umaga, umalis ang entourage sa Heritage Park habang dumating sa gate ng Libingan ng mga Bayani ng alas-10:31 ng umaga.
Pasado alas-11:00 umaga, dumating naman ang urn na naglalaman ng ashes o abo ng dating Pangulo sa Presidential Section Gravesite. Dala-dala ito ng isa sa miyembro ng pamilya Ramos.
Isang military chaplain ang nagsagawa ng final benediction.

Samantala, dumalo si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa funeral ni Ramos.
Nakita siyang katabi ni dating First Lady Amelita Ramos sa gravesite.
Ang bagong hinirang na Armed Forces of the Philippines (AFP) chief na si Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro ang siyang nag-abot ng Philippine flag na ginamit sa funeral sa Pangulo, kung saan ang Chief Executive naman ang nagbigay nito sa dating First Lady.
Nag-offer din ang mga loved ones ni Ramos at mga opisyal ng gobyerno ng mga puting rosas para sa dating Presidente.
Sa funeral procession na ginanap sa ilalim ng isang overcast sky, may mga rose petals na inihuhulog mula sa Philippine Air Force chopper.
Sa kanyang mensahe matapos na si Ramos ay inihimlay, labis ang pasasalamat ng dating First Lady habang inalala nito ang mga ginawang pagbabago sa kanilang pamilya dahil sa makulay na buhay ng yumaong Pangulo sa military.
“Alam ninyo, mahirap ang buhay sa military pero kinaya namin. Tumulong si President Ramos, kayang-kaya niya. At he was able to raise five daughters, eight grandsons and five granddaughters,” pahayag ni Ming Ramos.
Pumanaw si Ramos noong Hulyo 31, at isinilang naman noong Marso 18, 1928, sa Lingayen, Pangasinan. Nagtapos na may military engineering degree mula sa US Military Academy sa West Point.
Gayundin, si Ramos ay isang veteran na nagsilbi sa panahon ng Korean at Vietnam wars.





Comments