top of page

Full Combat Order hari sa Grand Copa

  • BULGAR
  • Jun 25, 2022
  • 1 min read

ni Green Lantern - @Renda at Latigo | June 25, 2022


Sinisiw lang ni Full Combat Order ang mga nakatunggali upang angkinin ang titulo sa katatapos na 2022 PHILRACOM "Grand Copa De Manila Cup" Division II na inilarga sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, kahapon.


Hindi nag-apura sa largahan si jockey Ryan Roy Garcia, hinete ni Full Combat Order, lumabas sila ng tersero upang pagmasdan ang mga matutulin sa largahan na sina Music Lover at Palauig.


Subalit, panandalian lang ang panonood nina Garcia at Full Combat Order, makalipas ang unang tatlong daang metro ng karera ay lumapit na sila sa unahan upang makapanabayan sina Music Lover at Palauig.


Nagtuloy ang pag-usad ni Full Combat Order pagkakapit nila sa unahan at mabilis na lumamang agad ng apat na kabayong agwat pagsapit ng huling kurbada.


Umabot pa sa walong kabayo ang lamang ng winning horse pagdating ng rektahan kaya magaan nilang nakuha ang panalo.


"Ang galing ni Full Combat Order, pinaglaruan lang mga kalaban, parang namulot ng pera mga connections niya," saad ni Jonash Manansala, veteran karerista.


Inirehistro ni Full Combat Order ang 1:45.4 minuto sa 1,600 meter race sapat upang hamigin ang P300,000 na premyo sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.


Sumegundo si Music Lover na kumubra ng P112,500 habang P62,500 ang ibinulsa ni Palauig.


Samantala, nagwagi si My Prancealot sa "National Press Club" Cup na inilarga sa pangalawang karera. Ginabayan ni jockey NC Lunar, inirehistro ni My Prancealot ang tiyempong 1:41 sa 1,600 meter race.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page