top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Full capacity sa mga campaign activities, aprubado pero bantay-sarado

BULGAR
Mar 22, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 22, 2022


Bagama't aprubado na ng Commission on Elections (Comelec) ang full capacity sa campaign venues sa mga lugar na nasa Alert Level 1, patuloy umano itong babantayan ng komsiyon.


Ayon sa isang opisyal ng Comelec, ang pagbabago ng regulasyon sa pangangampanya ay para makasunod pa rin sa lumuluwag na restriksiyon sa pandemya.


Gayunman, nilinaw ng opisyal na sakop ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pag-iral ng alert level status, habang ang lokal na pamahalaan naman ang nagpapatupad ng paghihigpit sa mga komunidad.


Dagdag pa ng opisyal, sa ilalim ng bagong panuntunan, maaari nang magsagawa ng aktibidad ang mga kandidato kahit walang sertipikasyon mula sa punong tanggapan ng poll body. Gayunman, kailangan pa ring kumuha ng permit at makipag-ugnayan ng campaign team sa lokal na pamahalaan na nakakasakop sa lugar na pagdarausan ng political event


Habang pabor ang pagluluwag sa regulasyon para sa mga kandidato at tagasuporta, patuloy ang ating panawagan na nawa’y gawin ng mga kandidato at organizers ang lahat ng kanilang makakaya upang mairaos nang payapa at ligtas ang mga parating pang mga event.


Lalo pa’t nalalapit na rin ang pagbubukas ng kampanya para sa mga lokal na kandidato dahil ibig sabihin, mas maraming mga supporters ang dadagsa.


Panawagan sa mga kandidato at tagasuporta, ‘wag kalimutan ang disiplina. Bantay-sarado pa rin ang Comelec ang kampanya kahit may pagluluwag na.


Tulad ng palagi nating sinasabi, nais natin ng mapayapa at malinis na halalan, at isa nang hakbang para makamit ito ay ang ‘wag magpasaway.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page