Fuel subsidy sa mga driver at operator, larga na
- BULGAR
- Sep 9, 2023
- 2 min read
@Editorial | September 9, 2023
Inaprubahan na ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang pagre-release sa P3 bilyong pondo para sa fuel subsidy sa 1.3 milyong drayber at operator ng mga pampublikong sasakyan na apektado ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo sa produktong petrolyo.
Inilabas ang pondo base na rin sa hiling ng Department of Transportation.
Bilang napakahalaga ng papel ng transportasyon sa ating ekonomiya, dapat lang na tulungan ang mga bumubuo nito. Tiyakin na hindi sila napapabayaan at naibibigay ang nararapat na tulong mula sa gobyerno.
Nabatid na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Department of the Interior and Local Government ang tumukoy sa mga benepisyaryo.
Makakatanggap ng ayuda ang mga drayber at operator ng Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ) ng P10,000; Modernized Utility Vehicle Express (MUVE): P10,000; Traditional PUJ: P6,500; Traditional UVE: P6,500; Public Utility Buses (PUB): P6,500; Minibuses: P6,500; Taxis: P6,500; Shuttle Services Taxis: P6,500; Transport Network Vehicle Services: P6,500; Tourist Transport Services: P6,500; School Transport Services: P6,500; Filcabs: P6,500; Tricycles: P1,000 at Delivery Services: P1,200.
Maaaring hindi sapat ang ayudang ito lalo’t ilang price hike na ang nangyari, pero kahit paano ay makakatulong na rin. Pero, ayon nga sa mga tsuper, mas mainam pa rin kung ang pagtutuunan ng pansin ay ang paraan kung paano makokontrol ang presyo ng petrolyo. Anila, hindi puwedeng pikit-mata na lang sa tuwing magpapa-gas.
Maganda rin kung makakaisip ng plano kung paano madaragdagan ang kita ng mga manggagawa sa sektor ng transportasyon nang hindi malalagay sa alanganin ang mananakay. Maaaring sa pamamagitan ng mga programa o proyekto na puwedeng makuha ang kanilang serbisyo.
Sa ngayon, umaasa tayo na magiging mabilis ang pamamahagi ng nasabing ayuda para magamit na at kahit paano ay makaagapay sa pangangailangan ng mga tsuper at kani-kanilang pamilya.



Comments