Fuel subsidy ng 600K trike drivers, kumpleto na next year – DOTr
ni Lolet Abania | December 13, 2022

Ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na makukumpleto nila ang kabayaran para sa fuel subsidy sa tinatayang 600,000 tricycle drivers sa kalagitnaan ng Enero ng susunod na taon.
Sa ginanap na Commission on Appointments (CA) hearing ngayong Martes, ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, inatasan na ng ahensiya ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makipag-coordinate sa mga local government units (LGU) para makumpleto ang distribusyon ng fuel subsidy.
“We are expecting po that we will be able to pay around 60% by end of the year and we will endeavor to complete the full payment by middle of January 2023,” ani Bautista.
Paliwanag ni Bautista, nagkaroon sila ng ilang problema sa pagkuha ng maraming impormasyon subalit sa ngayon, magagawa na nilang mabayaran ang mahigit 20,000 tricycle drivers.
Matatandaan na noong Hunyo, ang dating pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay nakakalap ng kabuuang 617,806 qualified tricycle drivers sa buong bansa na makatanggap ng fuel subsidy mula sa gobyerno.
Ipapamahagi naman ang nasabing subsidiya ng tatlong batches.
Ayon sa DILG, ang first batch ay para sa 539,395 trike drivers na nakapag-provide ng kanilang e-wallet account.
Ang second batch ay para sa 73,233 drivers na mag-a-avail ng over-the-counter transactions sa Land Bank of the Philippines (Landbank) branch na pinakamalapit sa kanila.
Gayundin, sabi ng DILG, ang third batch ay para sa 5,178 drivers na mag-a-avail naman ng on-site payout sa mga LGUs.
Kaugnay nito, ang P5-billion fuel subsidy program ng gobyerno na nahahati sa dalawang tranches ay layong ma-extend ang P6,500 cash grants sa mga benepisyaryo para makatulong sa mga ito na makarekober mula sa pagtaas ng presyo ng langis.





Comments