‘Frequency ng Dos, pinagbabawi na, nakurakot na bilyones sa PhilHealth, kailan kaya mababawi?
- BULGAR

- Sep 14, 2020
- 1 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 14, 2020
GAANO KAYA KARAMI SA MGA NAITALANG GUMALING SA COVID-19 ANG PATAY NA NGAYON?—Kamakalawa ay na-shock ang publiko dahil sa isang araw lang ay may naitalang 186 katao ang nasawi sa COVID-19 sa bansa, pero ang palusot dito ng Department of Health (DOH), sa 186 na mga namatay ay 126 daw dito ay noong Hulyo at Agosto pa nasawi na mga dating nalista na kasama sa mga nakarekober o gumaling.
Ganu’n? Aba, mas shocking ang palusot na ‘yan ng DOH kasi ‘yung mga namatay sa virus ay naisasama pala nila sa mga nakarekober sa COVID-19.
Kaya’t ang tanong, gaano kaya karami sa mga naitala ng DOH na gumaling sa virus, ang matagal nang patay? ‘Susmaryosep!
◘◘◘
BINAWI NA ANG MGA FREQUENCY NG ABS-CBN, KAILAN NAMAN KAYA MABABAWI ANG KINURAKOT SA PHILHEALTH?—Matapos bawiin ng NTC (National Telecommunication Commission) ang mga frequency ng ABS-CBN, nagtanong si Ogie Diaz sa gobyerno, kung kailan naman daw babawiin sa mga kurakot ang ninakaw na bilyun-bilyong sa PhilHealth?
Kailan nga kaya mababawi ng pamahalaan sa mga “buwaya” ang kinurakot sa PhilHealth? Abangan!
◘◘◘
HABANG UMAATAKE ANG DEADLY VIRUS, MAY MGA NAG-I-EJK PA—Sa data ng PNP ay sa panahon ng community quarantine dulot ng coronavirus ay mula Marso hanggang ngayong September ay umabot na sa 2,423 katao ang pinatay o 13 tao ang pinapatay araw-araw sa bansa.
Kakila-kilabot naman ‘yan kasi habang maraming namamatay sa deadly virus, may mga tao pa lamang nasasangkot sa EJK, nakupo!





Comments