ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | December 28, 2023
Mahalaga ang pagpapabilis ng proseso ng digitalization sa bansa para matiyak na may sapat na learning materials ang ating mga mag-aaral.
Lumabas sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na mas mataas ang Pilipinas sa index ng kakulangan ng learning materials kung ihahambing sa ibang bansa na bahagi ng Organization for Economic Co-Operation and Development (OECD). Ang isang unit na pagtaas sa index ng kakulangan sa learning materials ay nagresulta sa pagbaba ng apat na puntos sa mathematical performance.
Ayon pa sa naturang pag-aaral, 55 porsyento ng mga mag-aaral ay pumapasok sa mga paaralan kung saan iniulat ng mga punong-guro nila ang kawalan ng educational materials, kabilang ang mga textbook, international and communications technology (ICT) equipment, library o laboratory materials. Pumalo naman sa 49 porsyento ang mga nasa paaralan kung saan iniulat ng kanilang mga punong-guro ang kakulangan o mababang kalidad ng mga educational materials.
Anim sa 10 mag-aaral ang mga nasa paaralan kung saan iniulat ng kanilang mga punong-guro ang kakulangan sa mga digital resources (63 porsyento) at mababang kalidad ng digital resources (63 porsyento), kabilang ang laptop computers, internet access, learning management systems, o mga school learning platforms.
Lumabas din sa resulta ng PISA na kung ikukumpara natin sa ibang mga bansang bahagi ng OECD, mas positibo ang naging karanasan ng mga Pilipinong mag-aaral sa home-based learning. Pitumpu’t siyam na porsyento ng mga mag-aaral ang nagsabing inangat ng distance learning ang kanilang kakayahang gumamit ng mga digital devices para sa pag-aaral, habang 83 porsyento naman ang nagsabing handa ang mga guro na magpatupad ng distance learning.
Ayon pa sa 2022 PISA, umaabot sa 10.7 oras ang ginugugol ng mga 15 taong gulang na mag-aaral sa mga digital resources, anim na oras sa pag-aaral at 4.7 na oras para sa leisure. Naiuugnay ang bawat isang oras na paggamit ng digital devices sa pag-aaral sa tatlong puntos na pagtaas sa kanilang score sa Math, ngunit nagdudulot naman ng pagbaba ng apat na puntos ‘pag ginagamit sa paglilibang.
Patunay ang mga datos na ito, pati na ang mga karanasan ng bansa noong panahon ng pandemya, na kailangan nang wakasan ang digital divide at palawakin ang paggamit sa digital education upang isulong ang modernisasyon at inobasyon sa sektor. Dapat nating tiyakin na patuloy ang pag-aaral pagdating ng anumang sakuna.
Kabilang sa mga inihaing panukalang batas ng inyong lingkod na konektado sa digitalization ay ang Digital Transformation in Basic Education Act (Senate Bill No. 383).
Sa ilalim nito, magiging mandato sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan.
Nakasaad din sa panukalang batas na dapat patatagin ng DepEd ang kakayahan ng mga paaralan pagdating sa kanilang information and communications technology (ICT) upang magpatupad ng distance learning.Â
Â
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments