Free WiFi kuno, bagong istayl ng magnanakaw
ni Ryan Sison - @Boses | October 22, 2020
Libreng WiFi ang ginamit na modus ng isang kawatan upang makapagnakaw kamakailan.
Dahil lahat ay online na, mas maraming nangangailangan ng internet connection, kaya nang inalok nang libre, agad na nahikayat ang biktima dahil magagamit umano ng kanyang anak ang WiFi para sa pag-aaral nito.
Base sa CCTV footage, makikitang tumigil ang isang nakamotorsiklo sa apartment building at paatras na ipinarada ang motor.
Ayon sa mga saksi, isa-isang kinatok ng suspek ang bawat unit sa building para mag-alok ng libreng WiFi.
Ang siste, hinanapan ng cellphone ang biktima at niyayang bumaba mula sa kinaroroonan nilang second floor para makasagap ng mas malakas na internet signal.
Nang nasa baba na sila, naghanap umano ng xerox copy ng ID ng biktima ang suspek, ngunit pinaiwanan ang cellphone para hindi mawala ang signal.
Pero nang bumalik ang biktima, tumakas na ang suspek dala ang cellphone.
‘Ika nga, walang pande-pandemya kung gustong rumaket ng mga halang ang bituka.
Nakadidismaya dahil ginamit pa ang pangangailangan ng iba para lang makapagnakaw.
Sa panahon ngayon, napakaraming paraan para makapanloko kaya plis lang, doblehin natin ang pag-iingat dahil baka imbes na matugunan ang ating problema, eh, madagdagan pa.
At kayo namang kawatan, magsitigil na kayo. Hindi kayo nahiya sa ating kababayan na walang-wala na nga, lalamangan pa.
Sa kabilang banda, sana ay magsilbing babala ito sa publiko na hindi porke libre, dapat nang paniwalaan.
Nauunawaan natin na kailangang-kailangan, pero sana, pag-isipan munang mabuti bago magtiwala sa ibang tao.
Sabi nga, wala nang libre ngayon, at kung mayroon man, malamang na may kapalit.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments