top of page

Foxies Tagsip, Lazo, Tubu at Santiago sa Pro-League

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 25, 2023
  • 2 min read

ni Gerard Arce @Sports | June 25, 2023




Hahambalos na sa professional league ang mga dating Adamson University Lady Falcons players na sina Trisha Gayle Tubu, Kate Santiago, Aprylle Tagsip at Jelean Lazo sa Farm Fresh Foxies sa 2023 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference na nakatakdang magsimula sa Hunyo 27 sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City.


Kinumpirma ang pagsabak sa liga ng mga naturang manlalaro sa paglabas ng mga ito ng line up ng Farm Fresh sa official website na PVL.ph kasama ang karamihan sa bumubuo sa two-time National Collegiate Athletic Association (NCAA) champions na College of Saint Benilde Lady Blazers na pinagbibidahan ni 2022 season MVP Mycah Go, Jhasmin Pascual, Cloanne Mondonedo, Michelle Gamit at 2023 Finals MVP Jade Gentapa, gayundin sina dating Ateneo Blue Eagles players Joan Narit at Sofia Daniela “Pia” Ildefonso.


Nitong nagdaang linggo lamang ay nagdesisyong umalis sa koponan sina Tubu, Santiago, Tagisip, Rizza Cruz at ace playmaker Louie Romero matapos tanggalin sa Adamson si head coach Jerry Yee, na nitong Miyerkules lang ay sinalo ng UE Lady Warriors para gumabay sa koponan sa season 86th ng UAAP women’s volleyball tournament.


Nagkaroon umano ng ‘conflict of interest’ sa pagitan ni Yee at Adamson na pangunahing sponsor ang Akari, habang ang CSB Lady Blazers ay sinusuportahan ng Lao Family sa pangunguna ni Frank Lao, habang ang UE Lady Warriors ay sinimulang suportahan sa likod ng nakababatang Lao na si Jared.


Umugong din ang espekulasyon na maaaring lumipat sina Tubu at Santiago sa Lady Warriors, habang pare-parehong mayroong Games and Amusement Board (GAB) Special Guest License ang mga manlalaro ng Lady Blazers at mga dating Adamson players, kakailanganin lang magsilbi ng tig-isang taong residency upang masilayan sa season 87 ng UAAP.


Nakatakdang makatapat ng Farm Fresh sa Hunyo 27 ang All-Filipino Conference third placer F2 Logistics Cargo Movers na ipaparada ang mga rookies na sina Jovelyn Fernandez ng Far Eastern University at 85th UAAP champions Mars Alba at Jolina Dela Cruz, sa unang laro ng 1:30 p.m.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page