top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Football Federation, abala muna sa COVID-19 Relief Operations

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 25, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 25, 2020





Habang hinihintay ang napipintong pagbabalik ng Football para sa lahat, ilalaan ng Philippine Football Federation (PFF) ang bahagi ng pondong tinanggap mula sa FIFA COVID-19 Relief Fund para sa mga samahan ng Football sa mga rehiyon. Ang bawat kasaping bansa ng FIFA ay binigyan ng $1 milyon (P48.23 milyon) sa dalawang hulugan ngayong taon.


Ang pondo ay gagamitin para sa mga staff at pananatili ng mga palaruan. Inaprubahan ng PFF Board of Governors ang rekomendasyon ng Task Force sa pamumuno ni Rep. Lawrence Fortun ng Agusan del Norte at mga kasaping sina Dan Palami, Jay Adriatico at Engr. Henry Sabate kasama si PFF Secretary General Atty. Edwin Gastanes.


Dahil sa pandemya, halos walang Football sa Pilipinas maliban sa dalawang linggong Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways mula Oktubre 28 hanggang Nobyembre 12. Hindi naganap ang mga nakatakdang pambansang kampeonato para sa mga edad 15 at 17 pababa para ng mga kalalakihan at edad 16 at 18 pababa para sa mga kababaihan.


Apektado din ang mga seminar para sa mga coach at reperi na inilipat sa online. Ayon kay PFF President Mariano Araneta, gagawin nila ang lahat para maibalik ng ligtas at magsimula muli ang Football sa darating na tamang panahon sa ilalim ng bagong normal.


Samantala, nakikiramay ang PFF sa mga iniwan ng alamat na si Rudy del Rosario. Pumanaw sa edad na 51 ang dating pambansang manlalaro ng Football at Futsal noong Nobyembre 20. Kasama si del Rosario sa koponan na tumalo sa Malaysia noong 1991 Southeast Asian Games sa Rizal Memorial Stadium. Naglaro rin siya ng Futsal at kinatawan ang bansa sa ilang mga torneo.


Isa siya sa mga nagtayo ng Kaya FC noong 1996 na ngayon ay isa sa mga malakas na koponan sa PFL at buong Timog Silangang Asya. Sa kanyang pag-retiro, pinasok ni del Rosario ang larangan ng coaching kung saan isa sa kanyang adbokasiya ang paglahok ng Pilipinas sa taunang Homeless World Cup para sa mga batang lansangan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page