Floating status sa sekyu
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 26, 2022
Dear Chief Acosta,
Ako ay security guard na regular na nakadestino sa mall sa Maynila. Pero bigla akong tinanggal sa pagkakapuwesto sa naturang mall. Tatlong buwan nang nakalilipas ngunit wala pa rin akong panibagong destino o assignment. Nais kong sampahan ang aking agency ng illegal dismissal sa pagkakatanggal ko. Tama ba ang aking nais gawin? - Roberto
Dear Roberto,
Para sa iyong kaalaman, mayroong napagdesisyunang kaso ang Korte Suprema na nakasasaklaw sa iyong katanungan. Ayon sa Padilla v. Airborne Security Service Inc., G.R. No. 210080, November 22, 2017, na isinulat ni Kagalang-galang na Mahistrado Marvic Mario Victor F. Leonen:
“Placing security guards on floating status is a valid exercise of management prerogative. However, any such placement on off-detail should not exceed six (6) months. Otherwise, constructive dismissal shall be deemed to have occurred.”
Sang-ayon sa nabanggit, ang agency o employer ay may karapatang ilagay sa floating status ang mga security guard nito sapagkat ito’y makokonsidera na management prerogative. Sa ganung kadahilanan, maaari nitong tanggalin o ilipat ng duty ang kanyang security guard ayon sa kinakailangan ng negosyo nito. Ngunit, ang floating status ng mga security guard ay hindi dapat lumagpas ng anim na buwan. Kung lalampas ng anim na buwan, maituturing na itong constructive dismissal.
Ibig sabihin, mali ang iyong nabanggit na pag-file ng illegal dismissal laban sa iyong agency nang dahil lamang sa nakaka-tatlong buwan ka nang naka-floating status. Kung haba ng panahon ang basehan, kapag lumagpas lamang ng anim na buwan na ikaw ay wala pa ring panibagong duty ay saka lamang magiging tama ang pagkakaso laban sa iyong agency ng constructive dismissal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments