FIVB round-of-16 siniguro ng Canada, Alas mahalaga laro
- BULGAR
- Sep 16
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 16, 2025

Photo : Hinadlangan ng todo sa depensa ni #33 Fynnian Lionel McCarthy ng Canada ang tangkang atake ni #5 Tatsunori Otsuka ng Japan makaraang biguin sa 3 sets straight ng Canada ang Japan 25-20, 25-23 25-22 sa kanilang mahigpit na tagisan sa FIVB Volleyball Men's World Championship 2025 sa Araneta Coliseum kahapon. (Reymundo Nillama)
Laro ngayong Martes – MOA
5:30 PM Pilipinas vs. Ehipto
Nakasalalay ang kinabukasan ng Alas Pilipinas sa napakahalagang tapatan ngayong Martes laban sa Ehipto sa pagpapatuloy ng FIVB Volleyball Men’s World Championship Philippines 2025 sa MOA Arena. Kailangang maiwasan Pinoy Spikers ang ikalawang pagkatalo upang manatili ang pag-asa sa knockout playoffs.
Lumasap ang Alas ng malupit na 13-25, 17-25 at 23-25 pagkabigo sa Tunisia noong unang araw ng torneo noong Biyernes. Galing ang Ehipto sa nakakaganang 25-17, 16-25, 25-23 at 25-20 paggulat sa paboritong Iran noong isang araw.
Maaaring humugot ng inspirasyon mula sa huling set laban sa mga Tunisian. Lumaban ng sabayan hanggang 23-23 tabla bago nakuha ng mga bisita ang huling 2 puntos.
Sasandal ang Alas kay kapitan Bryan Bagunas na nagtala ng 23 puntos. Kailangang umangat pa lalo ang laro nina Marck Espejo, Peng Taguibolos at 11 iba pang kakampi para makamit ang makasaysayang resulta.
Samantala, idiniin ng Canada ang ikalawang sunod na pagkabigo at ilagay sa alanganin ang paborito Japan – 25-20, 25-23 at 25-22. Hawak ng Canada ang malinis na dalawang panalo sa Pool G para masiguro ang round-of-16. Bumida muli si Sho Vernon-Evans na may 16 at kapitan Nicholas Hoag na may 13. Nagtala si Ran Takahashi ng 11 habang 10 lang si Kento Miyaura para sa mga Hapon.
Malinis pa rin ang Turkiye at tagumpay sa Libya – 25-18, 23-25, 25-14 at 25-16. Tinumbasan ng mga Turko ang 2-0 ng Canada. Nakabawi ang Alemanya sa Chile – 25-17, 25-23 at 25-22 – upang pumantay ang kartada sa 1-1. Binuksan ng Cuba ang araw sa panalo kontra Colombia – 25-22, 25-21 at 25-20.
Comments