First time pa lang nagbida sa movie… ANDREA, WAGI AGAD NG BEST ACTING PERFORMANCE AWARD SA LONDON

ni Beth Gelena @Bulgary | November 22, 2026

Photo: IG _blythe
Hindi lang ganda at kaseksihan ang ipinamalas ng aktres na si Andrea Brillantes sa international scene dahil pati ang husay niya sa pag-arte ay kinilala na rin sa London.
Wagi si Andrea ng Best Acting Performance award para sa pelikulang Laya sa Women and the World International Film Festival 2026. Mas naging espesyal para sa aktres ang pagkilalang ito dahil ito ang kauna-unahan niyang pelikula bilang lead actress.
Ginanap ang awards ceremony sa Vue West End, Leicester Square.
Sa kanyang Instagram (IG) post, ibinahagi ni Andrea ang ilang larawan at video mula sa festival, kabilang ang sandaling lumabas sa malaking screen ang kanyang pangalan bago ipinakita ang katagang ‘AWARD WINNER’.
Ipinakita rin niya ang glass plaque na may nakaukit na pangalan niya, titulo ng pelikula at award na kanyang naiuwi.
Kapansin-pansin din ang red-carpet appearance ni Andrea na suot ang isang eleganteng black lace gown na may feather details, bagay na bagay sa kanyang mahaba at platinum-blonde na buhok.
Samantala, nagpasalamat naman siya sa festival jury, sa direktor na si Sigrid Andrea Bernardo, sa kanyang co-star na si JC Santos at sa buong production team na naging bahagi ng pelikula.
“So honored to receive the Best Acting Performance Award for Laya at the Women and the World International Film Festival in London (black heart emoji). This recognition means so much to me, especially because Laya is my first leading role in a film. Truly grateful to have my work recognized on an international stage,” bahagi ng kanyang pahayag.
Ipinagmamalaki ng aktres ang pagkakataong mairepresenta ang Pilipinas sa naturang international gathering ng mga filmmakers at storytellers.
Samantala, isa sa mga unang nagpaabot ng pagbati sa kanya si Anne Curtis na nag-iwan ng komento sa kanyang post.
“Congratulations, bb girl!” mensahe ni Anne.
Marami ring fans at kapwa artista ang nagpahayag ng suporta sa pagkapanalo ng aktres.
Well, hindi pa man naipapalabas sa mga sinehan ang Laya, mayroon na itong international recognition, isang malaking milestone sa career ni Andrea bilang unang pelikula niya sa lead role.
HINDI nakaligtas sa matalas na mata ni Anne Curtis ang kagandahan ng kanyang co-host na si Jackie Gonzaga matapos nitong ibahagi sa Instagram (IG) ang mga litrato habang nag-e-enjoy sa autumn season ng Japan.
“Preeeeetty!!!!!” ang sey ng aktres, na halatang humanga sa hitsura ng tinaguriang “Ate Girl” ng It’s Showtime (IS).
Simple lamang ang caption ni Jackie sa kanyang IG post na ‘autumn baby’, kalakip ang mga litrato niyang kuha sa isang kalsadang napapalibutan ng mga punong may mga ginintuang dahon.
Nakasuot si Jackie ng brown zip-up jacket at slim sunglasses.
Sa isa sa mga kuha, bahagya niyang hinawakan ang kanyang salamin habang nakatingin sa camera. Sa isa naman ay lumingon siya sa kanyang likuran, tampok ang magandang tanawin ng Japan.
Matatandaang nagsimula si Jackie bilang backup dancer sa IS bago unti-unting nabigyan ng pagkakataong mag-host at naging isa sa mga kinagigiliwang personalidad sa programa.
Isa rin sa mga naging mahalagang bahagi ng kanyang career ang dance competition na Girl on Fire noong 2022, kung saan nagkaroon siya ng pagkakataong humawak ng hosting duties at nagpakitang-gilas sa pagsasayaw.
Sa simpleng komento ni Anne, ramdam ang pagiging supportive niya sa kanyang kapwa host. Minsan, isang salitang ‘pretty’ lang, pero kapag galing sa isang Anne Curtis, may dagdag kilig at saya talaga!
Ebidensiya, inilabas ni Sylvia…
MAINE AT ARJO, ‘DI PA HIWALAY
HINDI man diretsahang nagsalita tungkol sa kumakalat na isyu ng hiwalayan nina Quezon City Rep. Arjo Atayde at aktres-host Maine Mendoza, tila sapat na ang ipinost na family photos ng ina ng aktor na si Sylvia Sanchez para patahimikin ang mga espekulasyon tungkol sa kanilang pagsasama.
May mga netizens ding nag-uugnay sa umano’y problema ng mag-asawa sa kontrobersiya sa flood control projects. Pero sa halip na patulan ang mga espekulasyon, isang masayang family gathering ang ibinahagi ng beteranang aktres sa kanyang Instagram (IG) account.
Magkatabi ang mag-asawa habang kasama ang iba pang miyembro ng pamilya Atayde.
Sa caption ni Sylvia, makikitang birthday dinner para kay Arjo ang nasabing pagtitipon na ginanap noong Nobyembre 5.
Aniya, “Belated happy birthday, Arjo. I love you so much, ‘nak! Late post!!!! (birthday dinner Nov. 5). Happy afternoon. God bless you all!”
Present din sa naturang salu-salo ang asawa ni Sylvia na si Papa Art at mga kapatid ni Arjo — Ria, Gela at Xavi, pati ang anak ni Ria at mister nitong si Zanjoe Marudo. Kasama rin si Zaijian Jaranilla, ang boyfriend ni Gela.
Bagama’t hindi direktang nagbigay ng pahayag si Sylvia tungkol sa mga kumakalat na isyu ng hiwalayan, naging makahulugan ang kanyang post dahil ipinakita nitong magkasama pa rin ang celebrity couple sa kanilang family occasion.
Kaya, hindi dapat basta-bastang paniwalaan ang mga kumakalat na tsismis hangga’t walang kumpirmasyon mula mismo sa mag-asawa.





Comments