First time bumalik after magka-bacterial meningitis…. LANI, MUNTIK NANG UMATRAS SA CONCERT SA SOBRANG KABA
- BULGAR

- Sep 5
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | Septeber 5, 2025

Photo: Lani Misalucha sa The Clash - Instagram
Kamakailan lang ay ipinagdiwang ng singer na mas kilala bilang Asia’s Nightingale na si Lani Misalucha ang kanyang 40th anniversary in the music industry sa pamamagitan ng major concert na Still Lani (SL).
Matatandaan na noong 2020 ay may matinding pagsubok na pinagdaanan si Lani at ang kanyang asawa nang sabay silang ma-diagnose na may bacterial meningitis kung saan naapektuhan ang pandinig ni Lani sa isang tenga.
Ang SL concert ay ang una niyang malaking show matapos tamaan ng sakit.
Well, pinuri ng King of Talk na si Boy Abunda ang icon singer na si Lani nang mag-guest ito sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA) kamakailan.
Kinumusta ni Boy si Lani sa naging experience nito sa kanyang SL concert.
Tanong ni Boy, “Kung meron kang isang bagay na hindi malilimutan sa gabing ‘yun, ano ‘yun?”
Ani Lani, “Seeing the audience, ‘yung mga taong nagpunta para manood. Seeing all of them beaming, having a great time, ‘yun na ang pinaka-fulfillment na makikita mo, na masaya sila. Na pag-uwi nila, masaya pa rin sila. They would carry with them ‘yung experience na nasiyahan sila, nag-enjoy sila, umiyak sila, tumawa sila at sumayaw.”
Naitanong din ni Boy kung may pangamba ba si Lani bago nagsimula ang concert.
Kuwento ni Lani, “May malaking pangamba. Alam mo, hindi ko akalain na ito na. Parang it was August 21, August 20 pa lang nagsi-sink in na, ‘Oh, my God, bukas na ‘yung concert.’ Sa sobrang nerbiyos ko, hindi ako nakatulog. Alam mo ‘yung feeling na gusto mong umatras? Kasi hindi ko alam kung kakayanin ko.”
Kuwento naman ni Boy, “Sometime ago, years ago to be exact, we had a conversation. Sabi mo sa akin, we were talking about the anxieties, the health challenge. Sabi mo, ‘Bakit pa ako kakanta?’ Did you get the answers?”
Sagot ni Lani na tipong napaisip nang husto, “Somehow, yes. ‘Pag binigyan ka ng isang instrumento, ‘pag hindi mo ipinagpatuloy na gamitin, para lang s’yang mababalewala. Mangangalawang s’ya.”
Tanong ni Boy, “Lani, in your 40 years of journey, inakala mo ba even just a fleeting moment na sisikat ka nang ganito?”
Sey ni Lani, “Hindi ko talaga na-imagine na mararating ko ito. Hindi ko akalain na magiging ganito. Because you know, hindi ako mapaghangad. I just thought that I was just going to be a homemaker.”
Sa nasabing show ay nilinaw din ni Lani na hindi sila nagkaroon ng away ng singer na si Regine Velasquez, kahit noon pa na madalas silang pagkumparahin dahil pareho silang reyna sa biritan.
Paglilinaw ni Lani, hindi siya nagpapaapekto sa mga ganitong isyu.
“Sa totoo lang, kunwari, may mga write-ups noon, I just ignore it,” ani Lani.
Para kay yours truly, competition is a good thing. It forces us to do our best. Pak, ganern!
Kahit saang lugar ay hindi nakakalimutan ng aktor na si Edgar Allan “EA” Guzman ang magpasalamat sa Panginoon dahil sa magandang biyayang nakamit nila ng asawang si Shaira Diaz.
Nag-share si EA sa kanyang Facebook (FB) page ng larawan na nagpapakita ng magandang view at may caption na: “View from our balcony (in love emoji). Grabe ang ganda (raised hands emoji).
“Share ko lang, guys, habang nakatambay ako rito, ang nasabi ko lang, LORD, maraming salamat sa lahat. Sa magandang career, sa masaya at healthy na pamilya, sa maayos na buhay at sa mapagmahal kong asawa.
“Ikaw ang may gawa ng lahat ng ‘to. Hindi ko lahat magagawa kundi dahil sa biyaya at talento na ibinigay mo sa akin. I will be forever grateful to you (praying emoji).
“Kung hindi n’yo naitatanong, nagsumikap ako nang maigi para maabot (ang) mga pangarap ko sa buhay. Nagsimula rin ako sa wala. Pero nagtiyaga ako para gumanda at maging maayos ang trabaho, especially ang career ko. Maraming pagsubok pero kinaya ko. Hindi ako sumuko, mas lalo kong ginalingan.
“Kaya ikaw na nagbabasa nito, kaya mo rin! Magtiwala ka lang sa Kanya, in time, magugulat ka na lang na nasa iyo na lahat ng pinangarap at ipinagdasal mo.”
Very well said, EA. Mga bagets, aral-aral din ‘pag may time at huwag kalimutang magdasal para umasenso.
Boom na boom ka d’yan, EA. I’m happy for you!








Comments