top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

First session ng 19th Congress, tagumpay dahil sa 309 panukalang batas at 89 resolusyon

Writer: BULGAR
BULGAR
Jun 5, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 5, 2023


Inaprubahan ng Senado eksakto alas-2 ng madaling araw noong nakaraang Miyerkules ang Senate Bill (SB) 2020 o ang Maharlika Investment Fund (MIF) na may kabuuang 19 affirmative votes, isang negative at isang abstention.


Ito ang pinakahuling eksena sa Senado matapos ang paspasang pag-amyenda, pagrebisa at paglalagay ng safeguard sa naturang panukala upang masiguro na ang bersiyong ito ay magbibigay ng karampatang benepisyo sa taumbayan.


Punumpuno at masyadong naging abala ang buong Senado sa nagdaang first regular session para sa 19th Congress at may mga kontrabersiyal na kaso ring inimbestigahan tulad ng isang malaking drug bust na kinasasangkutan ng mga kaanib ng Philippine National Police (PNP).


Nagsumite tayo ng Senate Resolution No. 564 na naglalayong magsagawa ng inquiry in aid of legislation hinggil sa pagkakasangkot ng mga high-ranking officials ng PNP sa P6.7 bilyong halaga ng shabung nasakote na yumanig ng husto sa kabuuan ng PNP.


Dahil dito, nagpatawag ng pagdinig ang Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang Senado upang imbestigahan ang naturang iskandalo at lumalabas na tila may gusto pang magbulsa ng nakalaang reward sa pagkakahuli ng 990 kilo ng shabu na nakuha sa pag-iingat ng isang Master Sgt. Rodolfo Mayo Jr. noong nakaraang Oktubre 2022.


Tulad ng MIF, tinutukan ng publiko ang imbestigasyong ito na humantong sa paglalagay sa detention cell ng Senado ng ilan sa mga sangkot na pulis na pinatawan ng contempt dahil sa walang gustong magsabi ng katotohanan.


Isa rin sa tumatak sa first regular session ay nang muli nating mailusot sa Senado ngayong 19th Congress ang matagal na nating itinataguyod para sa mga teachers—ang maging isang ganap na batas na itong Teaching Supplies Allowance (TSA).


Ilang ulit na nating inilaban ng pukpukan ang panukalang ito at matagumpay natin itong nailusot sa third and final reading sa Senado kahit na noong 17th Congress at 18th Congress ay palaging buong-buo ang nakukuha nating suporta sa mga kapwa natin Senador.


Ang problema, hindi ito lumulusot noon sa Mababang Kapulungan kaya hindi ito naging ganap na batas kaya heto at pinagsisikapan nating muli na maging isang ganap na batas itong TSA dahil ipinangako ko sa ating mga public school teacher na hindi natin ito tatantanan.


Bilang Chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, nakipag-ugnayan tayo sa Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman at matagumpay nating nakuha ang suporta nito hinggil sa naturang panukala.


Ganoon din kay Ako Bicol Partylist Representative at Chairman ng House Committee on Appropriations na si Elizaldy Co upang ipagbigay alam natin ang isinumite nating Senate Bill No. 1964 o ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’ na isang malaking tulong sa ating mga guro sa pampubikong paaralan.


Kinausap na rin natin ang Speaker of the House of Representatives na si Martin Romuladez at nakipag-ugnayan na rin tayo sa tanggapan ng Chairman ng House Committee on Education na si Roman Romulo at umaasa tayong matutulungan tayong maipasa ang naturang panukala na mas kilala sa tawag na ‘chalk allowance’.


Maliwanag kay Speaker na ang kasalukuyang chalk allowance ng mga guro ay nakabase lamang ito sa isang special provision sa General Appropriations Act, sa ilalim ng taunang budget ng Department of Education (DepEd) kung saan ay P5,000 lang ang tinatanggap ng mga teachers.


Nakapaloob sa aking panukala na bawat teacher ay tatanggap ng P7,500 sa taong 2024 at P10,000 naman sa simula ng taong 2025. Kung tutuusin ay hindi ito napakalaking halaga, ngunit napakalaking tulong na nito sa nagtataguyod ng ating edukasyon at humuhubog sa ating mga anak.


Napakarami pa ng ating mga isinumiteng panukala at resolusyon hinggil sa pagtugon sa mga kalamidad, pagtitiyak sa kapasidad ng mga pampublikong imprastraktura, road conversion, renaming of roads at pagbubuo ng district engineering offices sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Sa kabuuan, nakapagsumite tayo ng 309 panukalang batas at 89 resolusyon hindi pa kabilang ang mga isinumite natin, tumayo lamang tayo bilang co-author at lahat ng ito ay pinagsikapan natin sa 1st regular session ng 19th Congress.


Tatlo na ang naisabatas:


1.) RA-11934: SUBSCRIBER IDENTITY MODULE (SIM) REGISTRATION ACT

2.) RA-11938: CHARTER OF THE CITY OF CARMONA

3.) RA-11939: STRENGTHENING PROFESSIONALISM IN THE ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES (AMENDING RA 11709)


Anim ang naka-pending para sa lagda ni P-BBM; 2 ang pending sa BiCam; 5 ang pasado na sa third reading; 21 ang pending sa second reading, special business at 8 ang naka-pending sa second reading, ordinary business.


Sa buong Senado, may kabuuang 22 panukalang batas ang naghihintay ng lagda ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) matapos itong ipasa ng Senado at Kamara sa 1st Regular Session ng 19th Congress.


Nakaka-proud na bawat isang miyembro ng Senado ay talagang ginampanan ang kanilang tungkuling sinumpaan sa bayan at masasabi nating naging mabunga ang pagtatapos ng first session ng 19th Congress.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page