top of page
Search
  • BULGAR

Firefighting helicopter, mas epektib sa pagsugpo ng sunog

ni Ryan Sison @Boses | April 25, 2024



Boses - Ryan Sison


Sa gitna ng pagtaas ng bilang ng mga insidente ng sunog, dapat na magkaroon ng mga firefighting helicopter ang Bureau of Fire Protection (BFP) na kukuhanin ang pondo mula sa proposed budget nito para sa 2025.


Ito ang naging panawagan ni Deputy Speaker at Cebu Congressman Duke Frasco, sa ilalim ng kanyang House Resolution 1686, kung saan binanggit nito ang 23 porsyentong pagtaas ng mga fire incident sa bansa sa loob lamang ng unang dalawang buwan ng 2024. 


Sa isang panayam, sinabi ni Frasco na naging malaking problema na ang mga insidente ng sunog sa ating bansa. Kabilang aniya sa mga karaniwang hamon na nararanasan habang tumutugon sa mga naturang sunog, lalo na sa mga lugar na malaki ang populasyon at residential areas, ay ang pagkaantala ng pagdating ng mga bumbero dahil sa matinding pagsisikip ng trapiko at nahihirapan sila sa pag-access sa mga lugar na naapektuhan ng sunog at mga congested site, gayundin dahil sa kaunti ang kanilang firefighting gear, equipment at mga sasakyan.


Binigyang-diin din ng mambabatas na ang aerial firefighting ay lubhang kailangan para sa mas mabilis at mas mahusay na operasyon ng pagsugpo sa sunog.


Sinabi ni Frasco na ang kanyang panukala ay naaayon din sa BFP Modernization Law o Republic Act 11589, na nagtatakda para sa pagpapahusay ng kakayahan ng mga BFP personnel at ang pagkuha ng state-of-the-art fire prevention, pagsugpo sa sunog, fire investigation, at emergency medical and rescue services facilities at equipment.


Kaugnay nito, sinabi ng BFP na noong January 2024, ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang may pinakamataas na bilang ng mga munisipalidad na walang fire truck at istasyon na nasa 58, na sinundan ng Region 8 (Eastern Visayas), 14; Region 9 (Zamboanga Peninsula), 12; Region 10 (Northern Mindanao), 11; at Cordillera Autonomous Region (CAR), 10. 


Mainam ang panukalang magkaroon ng mga helicopter na pamatay-sunog na magagamit ng ating mga kababayang bumbero. 


Tulad sa ibang bansa, ang mga aerial firefighter ay madaling nakakapagresponde sa mga apektadong residente habang mabilis nilang naaapula ang apoy, kaya hindi na lumalala pa ang sunog.


Dapat na rin sigurong paglaanan ito ng pondo ng pamahalaan, lalo na ngayong tumitindi ang epekto ng El Niño phenomenon at talagang sobrang init ng panahon.


At dahil sa sunud-sunod ang mga naiuulat na insidente ng sunog, bukod pa sa nangyayari na ring grassfire sa ilang lugar sa ating bansa, kailangan na itong aksyunan ng kinauukulan para hindi tayo matulad sa ibang bansa na halos matupok na ng apoy ang buong lugar.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page