ni VA @Sports | February 17, 2024
Nabigyan pa ng palugit ang Pilipinas hinggil sa alegasyong hindi pagsunod sa World Anti-Doping Agency (WADA) international standard for code compliance, makaraang ipaubaya na ng huli ang nasabing isyu sa Court of Arbitration for Sport.
Ang Philippine National Anti-Doping Agency (PHI-NADO), sa ilalim ng tangkilik ng Philippine Sports Commission ay kinuwestiyon ang nasabing alegasyon ng WADA na naging sanhi upang itaas nito ang naturang bagay sa CAS.“On 13 February, WADA received formal notification from the NADO (national anti-doping agency) of the Philippines that it disputes the allegations of non-compliance against it,” ayon sa post ng WADA sa kanilang website. “WADA will now refer the matter to the Court of Arbitration for Sport (CAS) for its consideration. As such, the consequences will not apply until CAS makes its ruling."Wala pang reaksiyon si PSC chairman Richard Bachmann ukol dito gayundin si PHI-NADO chairman Dr. Alejandro Pineda Jr.
Kaugnay nito, pansamantalang nakaiwas ang Philippine sports sa parusang ipinataw sa bansang Angola na hindi na papahintulutang makalahok sa mga WADA-sanctioned events kabilang na ang Olympics.
Hindi gaya ng Pilipinas, nagdesisyon ang Angola na hindi na kuwestiyunin ang alegasyon ng WADA na naging dahilan ng pagpapataw dito ng matinding sanction.
Ang naging kasalanan ng Angola ay ang kabiguan nitong maipatupad ang 2021 version ng WADA Code habang inakusahan naman ang Pilipinas ng kabiguang resolbahin ang ilang kritikal na hindi pagsunod sa WADA Code Compliance Questionnaire exercise. Sa ngayon, nasa kamay na ng CAS ang magiging kapalaran ng Philippine sports.
تعليقات