Final answer: Wala nang taas-pasahe ngayong 2022
- BULGAR
- Nov 24, 2022
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 24, 2022
Matapos ang serye ng dagdag-singil sa pamasahe, tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na wala nang magaganap na pagtaas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan hanggang sa pagtatapos ng 2022.
Binigyang-diin ng ahensya na huli na ang inaprubahang taas-pasahe sa maraming PUVs noong Setyembre.
Mas makabubuti umano kung hindi muna magtaas ng pamasahe ngayong holiday season upang bawas-pasanin sa mga pasahero at mailaan sa ibang gastusin ang pera.
Sa ngayon, pinag-aaralan din umano ng DOTr kung sapat o kailangan pang magdagdag ng mga pampublikong sasakyan, gayung inaasahang daragsa ang mga pasahero.
Samantala, hinggil naman sa daing ng ilang pasahero na mataas na pasahe sa transport network vehicle services (TNVS), sinasabing ito ay posibleng dahil sa “surge rate” o dagdag-singil kapag marami ang nangangailangan ng masasakyan, pero kaunti ang suplay ng sasakyan. Habang mayroon ding dagdag-singil kapag rush hour.
Bagama’t pinapayagan ito ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), hanggang “times two” surge lamang ang maaaring singilin ng TNVS sa kasalukuyan.
Sa wakas, bahagyang makakahinga ang mga komyuter dahil walang nakaambang taas-pasahe sa ngayon, pero ang tanong, paano sa susunod na taon?
Huwag sanang salubungin ng mga komyuter ang 2023 nang may panibagong problema.
Bagama’t tiniyak na walang magiging taas-pasahe, sana’y tinutugunan din ng gobyerno ang laban-bawing pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Malaking problema kasi ito sa mga drayber at operator, na nagiging dahilan ng kakapusan ng mga bumabiyaheng pampublikong sasakyan. Ang ending, naipapasa sa mga pasahero ang hirap, bukod pa riyan sa pagtaas ng singil sa pamasahe.
Gayundin, naniniwala tayong hindi nagtatapos sa paghinto ng taas-pasahe ang problema. Kailangan natin ng pangmatagalang solusyon sa problema sa sektor ng transportasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga biyahero.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments