ni Angela Fernando @Entertainment News | September 7, 2024
Nanindigan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kanilang ibinigay na X-rating sa kontrobersyal na "Dear Santa," na dating "Dear Satan," matapos nitong ilarawan sa mabuting paraan si Satanas.
Ito ay sinasabing pag-atake sa pangunahing paniniwala ng mga Katoliko at Kristiyano. Matatandaang ang nasabing pelikula ay unang binigyan ng X-rating matapos lumabag sa Presidential Decree No. 1986, Chapter IV, Section F, Subsection (c).
Alinsunod sa nasabing probisyon, ipagbabawal ng MTRCB ang pagpapalabas ng mga pelikula, programa sa telebisyon, at mga kaugnay na materyales o patalastas, na sa paghatol ng Lupon, ay malinaw na bumabatikos sa anumang lahi, paniniwala, o relihiyon.
Natuklasan ng Komiteng nagsuri sa pelikula na ang materyal ay naglalarawan kay Satanas bilang nilalang na may kakayahang magbago, na sinasabing isang pagbaluktot ng mga turo ng Simbahang Katoliko.
Binigyang-diin din ng Lupon na bilang isang regulatory body, kailangan nitong balansehin ang pagpapanatili ng mga kultural at moral na halaga ng mga Pinoy at ang karapatan sa layang magpahayag.
Comments