Filipinas, umabanse na sa FIFA Women's World Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 1, 2022

Panibagong pagtatala sa kasaysayan ang pagpasok ng Philippine Women’s Football National Team sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand matapos talunin ang Chinese-Taipei sa makapigil-hiningang penalty shootout, 4-3, at umabante din sa semifinals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India Linggo ng gabi sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa lungsod ng Pune. Namayani sina goalkeeper Olivia McDaniel at forward Sarina Bolden sa pinakamalaking tagumpay sa football history ng bansa.
Nanatiling tabla ang dalawang koponan, 1-1, matapos ang takdang 90 minuto at karagdagang 30 minuto. Nakaunang goal si Quinley Quezada sa ika-48 minuto galing sa pasa ni Katrina Guillou subalit hindi sumuko ang mga Taiwanese at ipinantay ni Zhou Li Ping ang mainitang laban sa ika-82 minuto.
Sa shootout, walang kabang ipinasok nina Sara Castaneda at Tahnai Annis ang bola subalit mahina ang pangatlong sipa ni Jessica Miclat at napigil ito ni goalkeeper Cheng Su Yu. Biglang nabuhayan ang Pilipinas at tumama ang pang-apat na sipa ni Hsu Yi Yun sa kaliwang poste ngunit hindi naipasok ni Hali Long ang sumunod na sipa at lamang pa rin ang Chinese-Taipei, 3-2.
Bumalik si McDaniel sa kanyang puwesto at nakaganti siya kay Zhou at naharang niya ito para ihanda ang daan para kay Bolden na maipasok ang bola at sungkitin ang kanilang tiket para sa World Cup na lalaruin mula Hulyo 20 hanggang Agosto 20, 2023.
Nararapat lang na tuldukan nina Bolden at McDaniel ang laban matapos magbuhos ng kakaibang sipag at enerhiya sa opensa at depensa sa mahigit 2 oras na aksyon. Para kay Quezada, ang goal ay dumating matapos hindi palaruin laban sa Australia at Indonesia sa group stage dahil sa health protocol.
Ito rin ang pinakaunang panalo ng Pilipinas sa Chinese-Taipei na kasalukuyang ika-39 sa FIFA World Ranking kumpara sa numero 64 Pinays.
Naghihintay para sa mga Pinay sa semifinals sa Pebrero 3 ang Timog Korea na ginulat ang paboritong Australia, 1-0. Kahit bigo, pasok pa rin ang Australia bilang isa sa mga punong abala ng World Cup.
Sa kabilang quarterfinals, wagi ang defending champion Japan sa Thailand, 7-0, at haharapin nila sa semis ang Tsina na nagtagumpay sa Vietnam, 3-1. Paglalabanan ng mga natalong Chinese-Taipei, Thailand at Vietnam ang ika-lima at huling tiket para sa World Cup sa pamamagitan ng isang round robin mula Pebrero 2 hanggang 6.





Comments