top of page
Search
  • BULGAR

Filipinas, tiyak na sa Semis, Indonesia, pinahirapan sa 4-1

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 12, 2022



Siguradong pasok na ang Pilipinas sa semifinals ng 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship matapos ang pinaghirapang 4-1 panalo sa Indonesia sa tampok na laro Linggo ng gabi sa Rizal Memorial Stadium.


Nagpasikat ng todo si Sarina Bolden sa kanyang bihirang hat trick o tatlong goal sa second half upang itulak ang Filipinas sa kanilang ika-apat na sunod na tagumpay at manatili sa solong liderato ng Grupo A.


Muntik na pagbayaran ng mga Pinay ang malamya nilang first half at lumamang ang Indonesia, 1-0, sa ika-38 minuto sa goal ni Carla Bio Pattinasarany. Hinarang ng Indonesian forward ang sipa ni goalkeeper Inna Palacios at gumulong ang bola papasok para sa pinakaunang goal na ipinamigay ng Filipinas sa torneo.


Ibang klaseng Filipinas ang lumabas para sa second half at 3 minuto pa lang ang lumilipas ay itinabla ni kapitana Tahnai Annis ang laban, 1-1. Lalong ginanahan ang koponan at iyan na ang hudyat para kay Bolden na rumatrat ng 3 sunod-sunod na goal sa loob ng 9 na minuto sa ika-58, ika-65 at ika-67 minuto.

Malaking bagay ang pagpasok ni Coach Alen Stajcic kay Sara Eggesvik, Jaclyn Sawicki at Katrina Guillou upang buhayin ang dugo ng Filipinas sa simula ng 2nd half. Nakatulong agad ang tatlo at mas madaling naihatid ang bola kay Annis at Bolden para sa kanilang mga goal.


Tumabla rin si Bolden kay Amy Sayer ng Australia sa karera para sa Golden Boot na parehong may 5 goal sa torneo. Hindi naglaro si Sayer sa naunang laban kung saan binigo ng Australia ang Singapore, 4-1, at manatiling buhay ang pag-asa sa semis na may 7 puntos mula sa dalawang panalo, isang tabla at isang talo. Ito na ang ikalawang sunod na semis ng Pilipinas sa AFF Women’s Championship.


Susubukan ngayong Martes ng Filipinas na walisin ang Grupo A sa huli nilang laro kontra Thailand simula 7 p.m. sa Rizal Memorial. Ang resulta nito ay magsasabi kung sinong bansa ang haharapin ng mga Pinay sa semis na nakatakda sa Biyernes, Hulyo 15.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page