Filipinas susubukin ng Chinese Taipei sa AFC Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 30, 2022

Laro ngayong Linggo – Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex, Pune
10:00 PM Chinese-Taipei vs. Pilipinas
Handa na ang Philippine Women’s Football National Team para sa pinakamahalagang laro sa kanilang kasaysayan at pumasok sa semifinals ng 2022 AFC Women’s Asian Cup India at makamit ang inaasam na tiket patungong 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand. Kailangan lang lampasan ng Pinay ang hamon ng Chinese-Taipei ngayong araw simula 10:00 ng gabi (oras sa Pilipinas) sa Shree Shiv Chhatrapati Sports Complex sa lungsod ng Pune.
Huhugot ng inspirasyon ang Pilipinas mula sa huling dalawang tapatan sa mga Taiwanese noong qualifier para sa 2020 Tokyo Olympics. Nagwagi ang Chinese-Taipei ng dalawang beses, 5-0 at 4-2, upang wakasan ang pangarap ng mga Pinay na makalaro sa Japan.
Subalit ibang-ibang na ang koponan ngayon matapos makatuklas ng mahuhusay na manlalaro kasabay ng gabay ng beteranong Coach Alen Stajcic. Malaking tulong din ang masinsinang ensayo na ginanap sa Estados Unidos simula noong nakaraang Nobyembre.
“The teamkeeps raising the bar,” wika ni Coach Stajcic. “Every time we do something new and create a bit of history it’s a new ceiling for the team and country.”
Patungo sa quarterfinals, binigo ng Pilipinas ang mga kapitbahay sa Timog Silangang Asya na Thailand, 1-0, at Indonesia, 6-0. Hindi nila pinapuntos at nakasabay sa Australia bago tuluyang bumigay sa ika-51 minuto at natalo, 4-0.
Anim na magkaibang manlalaro ang naka-goal sa pangunguna ni kapitana Tahnai Annis na may dalawa at tig-isa kay Chandler McDaniel, Katrina Guillou, Sarina Bolden, Jessica Miclat at Malea Cesar. Umani din ng papuri ang kanilang disiplinadong depensa na naka-angkla kay bise-kapitana Hali Long, Dominique Randle, Eva Madarang at goalkeeper Olivia McDaniel na hindi pa nalulusutan ng bola sa dalawang laro.
Tiyak na kasama sa stratehiya ay markahan ang kapitana ng Chinese-Taipei Lai Li Chin na may tatlong goal na sa torneo at isa rin sa nagpahirap sa Pilipinas noong Olympic qualifying. Ang mga Taiwanese ay kasalukuyang ika-39 sa FIFA World Ranking kumpara sa Pilipinas na ika-64 subalit bilog ang bola.
Nais din ng mga Pinay na higitan ang kanilang pang-anim na puwesto sa huling WAC noong 2018 sa Jordan. Nanaig ang Timog Korea sa huling laro kontra Pilipinas, 5-0, upang maging pang-lima at makuha ang nalalabing tiket sa 2019 Women’s World Cup sa Pransiya.
Kung papalarin, naghihintay sa kanila sa semifinals ang magtatagumpay sa pagitan ng mga Australyana at Koreana. Ang mga tapatan sa kabilang bahagi ng semifinals ay defending champion Japan laban sa Thailand at Tsina kontra Vietnam.





Comments