Filipinas shoot na sa World Cup Brazil 2027
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 20, 2026

Photo: Si Head Coach Mark Torcaso at Player of the Match Jael Guy, matapos ang 2-0 victory kontra Uzbekistan - The Philippine Football Federation / Philippine Women's National Football Team
Laro ngayong Sabado - Accor Stadium
5 PM Australia vs. Japan (Finals)
Brazil, parating na ang Filipinas! Nakamit ng Philippine Football Team ang tiket sa FIFA Women's World Cup Brazil 2027 sa bisa ng 2-0 panalo sa Uzbekistan kahapon sa Cbus Super Stadium ng Gold Coast sa Queensland, Australia.
Inihatid nina Angie Beard sa ika-48 at Jackie Sawicki sa ika-53 minuto ang mga nagpapanalong goal. Pareho itong galing sa mga matalas na pasa ni Jael-Marie Guy.
Nagbunga ang pasensiya ni Beard na naudlot ang dalawang muntikan na goal sa unang 45 minuto na nagwakas sa 0-0. Sinubukan din nina Chandler McDaniel, Sofía Harrison-Wunsch, Sara Eggesvik at Guy subalit matatag ang depensa ng Uzbekistan bago ito tuluyang gumuho.
Ito ang pangalawang sunod na pagsabak ng Filipinas sa World Cup matapos ang makasaysayang 2023 sa Aotearoa New Zealand at Australia. Ang 2027 edisyon ay tatakbo mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 25 sa walong palaruan kasama ang higanteng Maracana Stadium na kaya ang 73,000 tagahanga.
Maliban sa Pilipinas, pasok na rin sa World Cup ang mga nasa semifinals na Australia, Tsina, Japan at Timog Korea habang pinaglalabanan pa ng Hilagang Korea at Chinese-Taipei ang huling upuan kagabi. Ang mabibigo ay sasamahan ang Uzbekistan sa Inter-Confederation Playoffs sa Nobyembre laban sa mga kinatawan ng Europa, Aprika, Oceania at Hilaga at Timog Amerika para sa huling tatlong tiket at mabuo ang 32 kalahok.
Maliban sa World Cup, ang pagpasok ng Filipinas ay tumiyak ng kanilang paglahok sa Asian Qualifiers para sa Los Angeles 2028 Olympics.




Comments