Filipinas, sasagupa sa 2 FIFA Friendly games sa Costa Rica
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 21, 2022

Bagong landas ang tatahakin ng Philippine Women’s Football National Team sa kompirmasyon ng kanilang dalawang FIFA Friendly sa tahanan ng pambansang koponan ng Costa Rica ngayong Oktubre 8 at 12, oras at petsa sa Pilipinas.
Sa kabisera ng San Jose gaganapin ang susunod na kampo ng Filipinas bilang paghahanda para sa 2023 FIFA Women’s World Cup sa Australia at New Zealand.
Sisipa ang unang laro ng 9:00 a.m. ng Sabado mula sa Estadio Alejandro Morera Soto sa bayan ng Alajuela. Titiyakin pa ang oras at lugar ng pangalawang laban na gaganapin sa susunod na Miyerkules.
Isa ang Costa Rica sa 27 bansa na pasok na sa World Cup. Nagtapos sila ng pang-apat sa 2022 CONCACAF W Championship sa Mexico noong Hulyo upang masigurado ang kanilang tiket kasama ang defending World Cup champion Estados Unidos, Canada at Jamaica.
Kasalukuyang ika-37 ang Costa Rica sa FIFA Ranking ng kababaihan kumpara sa ika-53 Filipinas. Nakapaglaro na sila ng isang World Cup noong 2015 sa Canada kung saan nagtala sila ng dalawang tabla kontra Espanya at Timog Korea at natalo sa Brazil kaya hindi tumuloy sa knockout playoffs.
Ang kalendaryo ng Filipinas sa Nobyembre at mga FIFA Window sa Pebrero, Abril at Hulyo ng susunod na taon ay maaayon sa resulta ng opisyal na bunutan na gaganapin sa Oktubre 12 sa New Zealand. Dito malalaman kung ano talagang mga bansa ang makakalaro ng Pilipinas sa pinakamalaking torneo ng Football para sa kababaihan.





Comments