top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Filipinas, sakalam vs. Fiji sa FIFA Friendly Cup Sydney

BULGAR
Apr 12, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | April 12, 2022



Umulit ang Philippine Women’s Football National Team sa Fiji, 8-0, sa kanilang pangalawang FIFA Friendly noong Lunes ng hapon sa Sydney, Australia. Nagwagi rin ang Filipinas sa kanilang maulan na unang tapatan, 7-2, noong Huwebes.

Lumabas ang haring araw at lumabas din ang mas pinainit na laro ng Filipinas laban sa mga mas matangkad na Fiji na #67 sa FIFA World Ranking. Maaga pa lang ay bumomba agad at nag-resulta ito ng paunang goal ni Sofia Harrison sa ika-10 minuto.

Mula roon ay dinoble ni Quinley Quezada ang lamang at sinundan ng magkasunod na dalawang goal ni Katrina Guillou. Hindi nagpreno ang Filipinas sa second half naka-goal ang reserbang si Carleigh Frilles at nakuha ni Guillou ang inaasam na pangatlong goal para sa bihirang hat trick.

Hindi nagpahuli ang bunso ng koponan na si Isabella Flanigan at sa kanya ang ika-7 goal. Humirit ng isa pang goal si Frilles sa ika-90 minuto upang mabuo ang dominasyon.

Sa kanilang unang pagtagpo, sumandal ang Filipinas sa tig-2 goal galing kay kapitana Tahnai Annis at Anicka Castaneda at tig-isa kay Quezada at Dominique Randle upang lumamang sa first half, 6-0. Kahit nabawi ng Fiji ang dalawang goal, tinuldukan ni Quezada ang laban ng isa pang goal kasabay ng pagdiwang ng kanyang ika-25 kaarawan.

Ang dalawang laro ay bahagi ng isang buwan na ensayo ng Filipinas sa Australia upang maghanda para sa 31st SEA Games sa susunod na buwan. Ginanap noong nakaraang linggo ang opisyal na bunutan at nasa Grupo A ang mga Pinay kasama ang defending gold medalist Vietnam, Cambodia at Indonesia.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page