top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Filipinas, pinanis ang Singapore sa AFF C'ships

BULGAR
Jul 8, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 8, 2022



Walang naglabas ng bangis sa Pilipinas sa kanilang 7-0 panalo sa Singapore sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship Miyerkyules ng gabi sa Rizal Memorial. Dahil dito at kasama ang iba pang resulta, nag-iisa na ang Filipinas sa liderato ng Grupo A ng may perpektong 6 puntos buhat sa dalawang tagumpay.

Maaga pa lang ay naka-goal si Isabella Flanigan sa ika-9 na minuto. Hindi pa nakakabawi ang Singapore at aksidenteng naipasok ni kapitana Ernie Sulastri ang bola sa goal ng Pilipinas upang madoble ang lamang sa 1 minuto pa lang ang lumilipas.

Tuloy-tuloy ang pagpukpok ng Filipinas dagdag na goal nina kapitana Tahnai Annis at Sarina Bolden sa 4-0 pagsapit ng halftime. Ipinasok ni Coach Alen Stajcic ang mga reserba na sina Anicka Castaneda, Chantelle Maniti, Tara Shelton, Carleigh Frilles at Cam Rodriguez at ipahinga sina Dominique Randle, Hali Long, Sara Eggesvik, Bolden at Annis.

Naka-unang goal si Eggesvik sa ika-47 minuto. Nagtala rin ng unang goal si Kaya Hawkinson sa ika-56 minuto at tinuldukan ang laban ng isa pang goal ni Castaneda sa ika-69 minuto.

Ang 7-0 na iskor ay pumantay sa 7-0 panalo ng Myanmar sa Timor Leste sa pagbubukas ng Grupo B noong Martes. Nahigitan ng Filipinas ang 6-0 pagwagi nila sa Indonesia sa 2022 AFC Women’s Asian Cup noong Enero subalit malayo sa 16-0 tambak nila sa FIFA Friendly laban sa Tonga noong Abril.

Ikatlong sunod na panalo ang hahanapin ng Filipinas ngayon kontra Malaysia simula 7 p.m. sa Rizal Memorial. Bago noon ay parehong maglalaban para sa unang panalo sa torneo ang Indonesia at Australia sa 4 p.m. upang manatiling buhay para sa semis sa Hulyo 15.

Samantala, tumikim ng ikatlong sunod na talo ang Pilipinas sa Myanmar, 3-1, sa 2022 AFF Under-19 Boys Championship sa Jakarta, Indonesia.

Mga laro ngayong Biyernes – Rizal Memorial Stadium:

4 p.m. Australia vs. Indonesia;

7 p.m.Malaysia vs. Pilipinas;

7:00 PM Thailand vs. Singapore (Binan)

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page