top of page
FRANKLY - ANAK NI PATRICK, LALONG NA-BASH AT NA-BULLY-IG _onlypatrickgarcia.jpg

Filipinas, nabigo sa Australia sa AFF U-18

Writer: BULGAR
BULGAR
Jul 26, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 26, 2022




Dumaan sa pansamantalang lubak ang kampanya ng Pilipinas sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Under-18 Women’s Championship matapos yumuko sa Australia, 4-0, kagabi sa Jakabaring Athletic Field ng Palembang, Indonesia. Sumandal ang Australia sa dalawang goal ni Avaani Prakash upang mahawakan ang maagang liderato sa Grupo B.


Matibay ang depensa ng Pilipinas hanggang nalusutan ito ni Prakash sa ika-26 minuto at maisahan si goalkeeper Alexis Louise Tan. Nakabawi ng bahagya ang mga Pinay at nanatiling 1-0 ang talaan pagsapit ng halftime.


Biglang gumuho ang depensa at dumagdag ng isa pang goal si India Luise Beier sa ika-59 minuto at wala pang tatlong minuto ang nakalipas ay naka pangalawang goal si Prakash sa ika-62 minuto. Sinigurado ni Maya Lobo ang panalo sa ika-apat at huling goal sa ika-69 minuto.


Gaya ng inaasahan, kasama sa unang 11 manlalaro ni Coach Marnelli “Let” Dimzon ang mga galing Seniors na sina foward Isabella Flanigan at defender Chantelle Maniti.


Maliban sa dalawa, kasama sa kanila sina Kylie Yap, Elisha Flor Lubiano, Rae Mikella Tolentino, Meagan Andrea Alforque, Jonalyn Lucban, Celina Beatrice Salazar, Jenny Perez, Isabella Noelle Alamao at goalkeeper Tan.


Sisikapin ngayon ng pambansang koponan na makabawi sa kanilang laro kontra Myanmar ngayong Miyerkules simula 4:30 ng hapon, oras sa Pilipinas, sa parehong palaruan. Nagtutunggali ang Myanmar at Malaysia sa sumunod na laro kagabi.


Sa Grupo A na naglaro na noong Biyernes at Linggo, nangunguna ang host Indonesia na may dalawang panalo laban sa Singapore at Cambodia sa parehong iskor na 1-0. Tabla sa pangalawa ang defending champion Thailand at Vietnam na parehong may tig-isang panalo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page