Filipinas dadalhin ang karanasan vs. Scotland
- BULGAR
- Feb 23, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | February 23, 2024

Laro ngayong Sabado – Pinatar Arena
9 p.m. Pilipinas vs. Scotland
Tumikim ang bagong-anyong Philippine Women’s Football National Team ng mapait na 4-0 pagkatalo laban sa Finland sa FIFA Friendly Miyerkules ng gabi, oras sa Pilipinas, mula sa Pinatar Arena sa Murcia, Espanya. Nagtala ng bihirang hat trick o tatlong goal si Oona Sevenius at itinatak ng Finns ang kanilang pagiging #27 sa World Ranking kumpara sa #38 Filipinas.
Balik-aksiyon ang pambansang koponan na huling sumalang sa Paris 2024 Olympics Asian Qualifiers Round 2 noong nakaraang Nobyembre. Nabitin sila at hindi tumuloy sa Round 3 na gaganapin sa Pebrero 24 at 28.
Unang naka-goal ang 19-anyos na si Sevenius sa ika-24 minuto at dinoble agad ni Eva Nystrom ang lamang matapos niyang uluhin papasok ang bola sa ika-28. Humirit ng pangalawang goal si Sevenius sa ika-43 upang itakda ang halftime sa 3-0.
Ipinasok na ang mga beteranang sina Sarina Bolden at Meryll Serrano para sa second half bilang mga reserba subalit hindi ito tumalab. Tinapos ni Sevenius ang kanyang hindi makakalimutang ipinakita sa isa pang goal sa ika-72.
Kasama ang baguhan na si Gianna Camille Sahirul sa unang 11 ni Coach Mark Torcaso. Binigyan din ng pagkakataon ang mga kapwa-baguhan na sina Alexa Marie Pino at Katana Norman.
Patuloy ang dominasyon ng mga bansa ng Hilagang Europa o Scandinavia. Sa mga nakalipas na taon ay wagi sa Pilipinas sa Friendly ang Sweden at Iceland habang ang Norway ang isa sa mga hinarap sa 2023 FIFA Women’s World Cup.
Dadalhin ng mga Pinay ang karanasan sa kanilang pagsabak sa 2024 Pinatar Cup kontra #25 Scotland sa Sabado sa parehong palaruan simula 9 p.m. Yumuko ang Pilipinas sa mga Scot, 2-1, noong 2023 edisyon ng torneo.








Comments