top of page
Search
  • BULGAR

Filipinas, bigo sa Kiwis, pero lumaban ng sabayan

ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 8, 2022



Nakipagsabayan ang Philippine Women’s Football National Team subalit nanaig sa huli ang 2023 FIFA World Cup co-host New Zealand, 2-1, sa kanilang FIFA Friendly sa Titan Stadium sa loob ng California State University-Fullerton sa U.S. Miyerkules ng umaga (oras sa Pilipinas).


Umangat ang kalidad ng World #22 Ferns sa second half upang burahin ang maagang 1-0 lamang ng #53 Filipinas.


Tumanggap ng palobong pasa si Sarina Bolden mula kay Sara Eggesvik sa ika-46 minuto bago magsara ang first half at maisahan si goalkeeper Erin Nayler. Ito ang ika-14 na goal ni Bolden ngayong 2022 subalit hindi tumagal ang kanilang kasiyahan.


Ginawaran ang New Zealand ng penalty kick matapos pabagsakin ni Dominique Randle ng Filipinas ang kanyang bantay malapit sa goal. Walang kabang ipinasok ni Meikayla Moore ng Ferns ang bola upang itabla ang laban sa 1-1 sa ika-67 minuto at nagkamali ng hula si goalkeeper Olivia McDaniel na sumubsob sa kanyang kaliwa imbes na kanan.


Kinumpleto ng Ferns ang kanilang pagbangon sa ika-82 minuto sa goal ni Ali Riley. May pagkakataon na maisalba ng Filipinas ang tabla subalit tumalbog sa kaliwang poste ang inulong bola ni Jessika Cowart buhat sa free kick ni kapitana Tahnai Annis sa ika-90 minuto bago ang huling pito ng reperi.


Ito ang unang opisyal na sabak ng Filipinas matapos magkampeon sa AFF Women’s Championship noong Hulyo. Inaayos na ang kanilang kalendaryo para sa mga susunod na FIFA Friendly sa Oktubre 3 hanggang 11 bago ang bunutan para sa World Cup sa Oktubre 12.


Samantala, lalahok ang Pilipinas sa 2023 AFC Under-20 Asian Cup qualifiers sa susunod na linggo sa Sultan Qaboos Sports Complex ng Muscat, Oman.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page