Fil-Nig Alaba, may 4-year contract sa Real Madrid team ng La Liga
- BULGAR

- Jan 21, 2021
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 21, 2021

Nagkasundo na ang Real Madrid, isa sa pinakamalaki at tanyag na koponan sa La Liga ng Espana at sa buong mundo, at David Alaba para sa isang apat na taong kontrata. Inaasahang pipirma ang 28 anyos na Pinoy footballer ng apat na taong kontrata upang ipagpatuloy ang kanyang paglaro matapos ang 13 taon sa Bayern Munich ng Alemanya.
Sa kanyang paglaro sa Bayern Munich, naging bahagi siya ng siyam na kampeonato sa Bundesliga, kasama ang huling walo. Nagwagi rin sila ng dalawang beses sa UEFA Champions League noong 2013 at 2020. Ayon kay Alaba, pangarap niya talaga ang maglaro para sa Real Madrid. Tinanggihan niya ang tatlong alok ng Bayern Munich na pahabain ang kanyang kontrata at sinubukan din siyang ligawan ng mga higanteng koponan tulad ng Liverpool sa Inglatera at Paris Saint-Germain sa Pransiya.
Sa kasamaang palad, hindi na makakalaro sa Philippine Azkals si Alaba dahil naglaro na siya para sa Austria simula pa noong 2009 bago ang sinasabing pag-usbong muli ng Football noong 2010. Pinili ni Alaba ang bansa kung saan siya ipinanganak noong 1992 sa inang Filipina at amang taga-Nigeria.
Si Alaba ay 17-anyos lang noong inakyat siya sa Seniors ng Austria galing sa koponang Under-17. Naglaro din siya sa Under-19 at Under-21 at buhat noong 2009 ay nakapagtala ng 14 goal sa 75 na laro para sa Seniors. Tinatayang kikita si Alaba ng E230,000 o P13.37 milyon matapos kaltasan ng buwis oras na magpirmahan. Daraan muna siya sa pagsusuring medikal para maging opisyal ang kanyang paglipat.





Comments