top of page
Search
  • BULGAR

Fil-Am U.S. Coach Spoelstra masusubok naman vs. Jordan

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 30, 2023




Mga laro ngayong Miyerkules:

4 p.m. Timog Sudan vs. Serbia (Araneta)

4:40 p.m. Estados Unidos v. Jordan (MOA)

8 p.m. Tsina v. Puerto Rico (Araneta)

8:40 p.m. Gresya v. New Zealand (MOA)


Kahit tatlong linggo pa lang sila nabubuo, nagagalak si Coach Steve Kerr sa samahan ng Team USA sa 2023 FIBA World Cup. Malaking bagay sa kanila maging ng kanyang mga assistant coach ang unang mga tagumpay at aabangan ngayong araw ang espesyal na inihandang stratehiya ni Coach Erik Spoelstra laban sa Jordan simula 4:40 p.m. sa Mall of Asia Arena.


Pinasalamatan at pinuri ni Coach Kerr ang trabaho ni Coach Mark Few kontra New Zealand at Coach Tyronn Lue laban sa Gresya. Ngayon ay pagkakataon ni Coach Spoelstra na ipamalas ang husay.


Sa unang dalawang panalo ng mga Amerikano sa New Zealand noong Sabado (99-72) at Gresya noong Lunes (109-81), lumalabas na ang mga nangunguna sa puntusan ay sina Paolo Banchero (14.5), Anthony Edwards (13.5) at ang paborito ng mga manonood na si Austin Reaves. Sigurado na sila sa Round 2 kung saan haharapin nila ang mga papasok na galing Grupo D na Lithuania at Montenegro.


Susundan ito ng salpukan ng New Zealand at Gresya sa 8:40 ng gabi na magsisilbing knockout para sa huling tiket patungong Round 2. May dalawang laro rin sa Araneta Coliseum sa pagitan ng Timog Sudan at Serbia ng 4 p.m. at Tsina at Puerto Rico sa 8 p.m. upang wakasan ang aksiyon sa Grupo B.


Tiyak na rin ang defending champion Espanya sa Round 2 sa bisa ng 96-78 tambak sa Brazil noong Lunes sa Indonesia Arena. Nagtala ng 15 puntos si Santi Aldama at 14 si Willy Hernangomez at sisikapin nilang walisin ang Grupo G ngayong araw laban sa kulelat na Iran na galing sa 60-71 pagkabigo sa Cote d’Ivoire.


Sa iba pang resulta noong Lunes, wagi ang Serbia sa Puerto Rico, 94-77, sa Araneta Coliseum. Sa Okinawa, panalo ang Slovenia ni Luka Doncic kontra Georgia, 88-67.





0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page