Fil-Am nurse, natagpuang patay sa Portland, Oregon
- BULGAR

- Sep 10, 2024
- 1 min read
ni Eli San Miguel @Overseas News | September 10, 2024

Natagpuang patay ang isang 32-anyos na babaeng Filipino-American sa Portland, Oregon. Ayon sa Beaverton Police Department, kinilala ang babae na si Melissa Jubane, na isang cardiac nurse sa St. Vincent Hospital sa Southwest Portland. Iniulat ng Beaverton Police na bandang 10:18 a.m. noong Setyembre 4, nakatanggap sila ng ulat na hindi dumating si Jubane para sa kanyang morning shift.
Pumunta ang mga opisyal sa tirahan ni Jubane sa 1050 Southwest 160th Avenue sa Beaverton, ngunit hindi natagpuan si Jubane sa loob. Buong araw na sinubukan ng mga opisyal at ng kanyang pamilya na makipag-ugnayan kay Jubane, ngunit hindi sila nakatanggap ng tugon, at tila nakapatay ang kanyang telepono.
Bandang 3:00 p.m., isinama si Jubane sa database ng mga nawawalang tao, kaya nagsagawa ang mga imbestigador ng masusing paghahanap at natagpuan ang katawan ni Jubane noong Setyembre 6.
Natukoy ng pulisya na sangkot sa pagkawala ni Jubane ang 27-anyos na si Bryce Johnathan Schubert, kapitbahay ni Jubane na isa ring nurse sa Providence Portland Medical Center. Naaresto si Schubert noong Setyembre 7 at kinasuhan ng second-degree murder. Matagumpay namang narekober ng mga otoridad ang katawan ni Jubane.








Comments