top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

FIFA: Guillou, itinabla ang laban sa Costa Rica sa Friendly Game

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 9, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 9, 2022



Naitakas ni Katrina Guillou at ng bumibisitang Philippine Women’s Football National Team ang pinaghirapang 1-1 tabla kontra sa host Costa Rica sa kanilang FIFA Friendly Sabado ng umaga (oras sa Pilipinas) mula sa Estadio Alejandro Morera Soto. Napakalaki ang resultang ito para sa Filipinas na kasalukuyang ika-53 sa FIFA Women’s World Ranking kung ihahambing sa ika-37 na Costa Rica.


Bunga ng disiplinadong depensa, nagtapos ang first half sa 0-0. Nagbunga ang tiyaga ng Costa Rica at nahanap ni Priscilla Chinchilla ang unang goal sa ika-57 minuto subalit may ibang plano ang Filipinas.


Nagdagdag ang reperi ng 3 minuto sa orasan at kinuha ng mga Pinay ang pagkakataon.


Sa huling play ng laro, sinipa ni goalkeeper Olivia McDaniel ang bola mula sa 90 metro at eksaktong bumagsak ito sa harap ng naghihintay na si Guillou para mapantay ang iskor kasabay ang huling pito.


Bago ang laro, inamin na Coach Alen Stajcic na malaking pagsubok para sa Filipinas ang mga pinagsamang pilay at sakit na dumapo sa kanila sa nakalipas na linggo.


Napatunayan na ng koponan na kaya nilang sumabay sa mga malalakas na bansa gaya noong mga friendly nila sa Ireland at New Zealand kaya ang susunod na hakbang ay maipanalo ang laban.


Maghaharap muli ang dalawang koponan sa 1:00 ng madaling araw ng Miyerkules sa Estadio Ricardo Saprissa subalit ito ay magiging sarado sa publiko. Parehong naghahanda para sa 2023 FIFA Women’s World Cup ang dalawang bansa pero may karanasan na ang Costa Rica at lumahok sila sa 2015 edisyon ng torneo sa Canada.


Samantala, ginulat ng host England ang bisitang Women’s World Cup defending champion U.S. sa kanilang friendly, 2-1, sa harap ng mahigit 76,000 tagahanga sa Wembley Stadium. Sumandal ang mga Lioness sa penalty kick ni Georgia Stanway sa ika-33 minuto at kumapit sa second half kung saan parehong hindi na naka-goal ang magkatunggali.


Ang Costa Rica, Inglatera at U.S. ang ilan sa maaaring makalaro ng Filipinas sa World Cup na gaganapin mula Hulyo 20 hanggang Agosto 20, 2023. Nakatakda ang opisyal na bunutan na inilipat na sa Oktubre 22 sa Auckland, New Zealand.

Laro ngayong Miyerkules – Estadio Ricardo Saprissa 1:00 AM Costa Rica vs. Pilipinas

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page