top of page
Search
  • BULGAR

FiberXers, pipiliting 'di magulungan ng Dyip

ni GA - @Sports | June 22, 2022



Pipiliting maputol ng Converge FiberXers ang kanilang two-game losing skid upang hindi na lumala ang pagbagsak ng signal ng koponan kontra sa kulelat na Terrafirma Dyip, habang susubukang sundan ng NLEX Road Warriors ang momentum na panalo laban sa Brgy. Ginebra na nais makabawi sa nakaraang pagkatalo sa pagpapatuloy ng mga aksyon sa 2022 PBA Philippine Cup sa Mall of Asia Arena sa Pasay City ngayong hapon.

Ayaw mangyari ng FiberXers na sa kanila unang makamit ng Terrafirma ang panalo, habang nais nitong makuha ang .500-mark sa 2-2 kartada sa pagtatapat sa unang laro sa 3 p.m. Iniiwasan ng FiberXers na mas malubog pa lalo’t sunod na makakatapat nito ang mga bigating koponan na San Miguel Beer at Brgy. Ginebra, habang sunod na makakatapat ng Terrafirma ang pinabangong Blackwater Bossing, TNT Tropang Giga at Gin Kings.

Masaklap na ininda ng FiberXers ang 83-86 na pagkabigo laban sa Tropang Giga noong Hunyo 12 matapos isalpak nina Jayson Castro ang isang basket dalawang freethrows ni Jay Alejandro, na sinundan ng pagdomina sa kanila ng Meralco Bolts sa 74-90 nung nakaraang Huwebes.

Patuloy namang nadarama ng Terrafirma ang kawalan ng kanilang manlalaro mula kina Isaac Go (tuhod), Ed Daquioag (binti) at Eric Camson (likod) kasunod ng pagkabagsak sa Phoenix Super LPG sa 74-97 noong Biyernes.

Maganda ang idinepensa sa amin ng Phoenix and at the same time medyo inalat,” saad ni Terrafirma head coach Johnedel Cardel, na tanggal na sa buong season sina Go at Daquioag, habang makababalik si Camson sa aksyon upang makatulong sa kanyang nalubalob na koponan.

Nalimitahan si Juami Tiongson sa nakalipas na laro kontra Fuel Masters sa 9 na puntos na inaasahang babawi sa laro gaya ni Joshua Munzon na mayroon ding 6pts.

Bubuhatin naman nina Jeron Teng at Maverick Ahanmisi ang FiberXers, habang nakatakdang bumalik si Abu Tratter, gayundin ang pagbibigay ng presenya ng mga rookies na sina Jeo Ambohot at Justin Arana.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page