top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

FIBA 3X3 World Tour Masters: Manila at Cebu

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 20, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 20, 2022





Dalawang beses maglalaro ang 2022 FIBA 3x3 World Tour Masters sa Pilipinas. Inilabas na ang opisyal na schedule noong Biyernes ng gabi at gaganapin ang Manila Masters sa Mayo 28 at 29 at Cebu Masters sa Oktubre 1 at 2.


May kabuuang 13 yugto ngayong taon kasama ang grand finals sa Abu Dhabi, United Arab Emirates sa Disyembre 9 at 10. Matapos ang dalawang taon ay matutuloy na ang Manila Masters na dapat ay ginanap bilang bahagi ng 2020 World Tour subalit dumating ang pandemya.


Ang Manila Masters ang 2nd leg matapos ang pambungad na yugto sa Utsunomiya, Japan. Ang iba pang yugto ay sa France (Hulyo 15-16), Prague (Hulyo 30-31), Chengdu (Agosto 13-14), Lausanne (Agosto 19-20), Debrecen (Agosto 27-28), Montreal (Setyembre 3-4), Cebu, Jeddah (Oktubre 28-29), Macau (Nobyembre 18-19) at Hong Kong (Nobyembre 26-27).


Mainit agad ang aksyon sa Utsunomiya na ang Top 10 na koponan sa FIBA 3x3 Ranking ay pangungunahan ng 2021 champion Liman ng Serbia. Noong 2021 ay kinatawan ang Pilipinas ng Manila Chooks TM na sina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Mark Yee, Chico Lanete at Dennis Santos.


Inihahanda na rin ang kalendaryo ng mga qualifier ng World Tour sa Marso. Maliban sa dalawang Masters, napipisil na maging host ang Pilipinas sa isa o higit pa sa qualifier bunga ng mabuting ugnayan ng Chooks To Go Pilipinas 3x3, ang unang ligang propesyunal ng 3x3 sa bansa, at FIBA.


Noong Setyembre, 2019 ay ginanap ang Manila Challenger sa SM City Fairview na qualifier para sa 2019 Jeddah Masters. Nagkampeon ang Riga ng Latvia na nag-overall champion ng 2020 World Tour at sinundan ng makasaysayang unang gold medal ng 3x3 sa 2020 Tokyo Olympics. Patuloy ang pagbantay ng FIBA sa kalagayan ng pampublikong kalusugan at maaaring magbago ang mga petsa at lugar ng palaro kung kakailanganin.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page