FIBA 3X3 World Tour Manila Masters, PHL vs. Serbia
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 27, 2022

Masasaksihan ang pinakamataas na antas ng 3x3 sa pagbubukas ngayong Sabado at Linggo (Mayo 28-29) ng 2022 FIBA3x3 World Tour Manila Masters sa Ayala Malls Manila Bay simula ng 1 p.m. Haharapin ng mga pambato ng Pilipinas Cebu Chooks at Manila Chooks ang hamon ng 12 bigating banyagang koponan kabilang ang mga dating kampeon.
Ang Cebu ay binubuo ng numero unong manlalaro ng 3x3 ng Pilipinas Mark Jayven Tallo, Zachary Huang, Brandon Ramirez at Mike Harry Nzeusseu. Nasa Manila ang beteranong si Chico Lanete, Dennis Santos, Henry Iloka at bagong pirmang si Ken Sagulo Holmqvist ng FEU.
Nabunot ang mga Cebuano sa Grupo A at haharapin nila ang Ub Huishan NE ng Serbia simula ng 3 p.m. at Zavkhan MMC Energy ng Mongolia ng 7 p.m. Napunta sa Grupo D ang Manila kung saan makakalaban nila ang dalawang koponan ng Mongolia na Ulaanbaatar MMC Energy sa 4:25 p.m. at Zaisan MMC Energy sa huling laro ng 8:25 p.m.
Ang Grupo B ay binubuo ng Antwerp ng Belgium, Sansar MMC Energy ng Mongolia at ang magwawagi sa qualifying round sa pagitan ng Yokohama Beefman ng Japan, Auckland ng New Zealand at Melbourne Hoop City ng Australia. Nasa Grupo C ang Liman Huishan NE ng Serbia, Warsaw Lotto ng Poland at Gurugram 3BL ng India.
Ang Ub, Antwerp at 2021 World Tour kampeon Liman ang kasalukuyang Top Three sa FIBA3x3 World Team Ranking. Hindi magpapahuli ang Cebu at inuwi nila ang kampeonato sa 2nd Asia-Pacific Super Quest noong Abril 30 sa Solenad, Santa Rosa City at lumahok din sa mga Super Quest sa Dubai, UAE noong Marso 31 at sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Tatapusin ang qualifier at group stage sa Sabado at susundan agad ng knockout playoffs sa Linggo kung saan $40,000 (P2.095M) ang naghihintay para sa kampeon. Gaganapin din ang Two-Point Shootout at inaabangang Slam Dunk Contest tampok ang kinatawan ng Pilipinas David Carlos na hahamunin nina Brodie Stephens ng Australia at Lee Kyuho ng Timog Korea.
Mga laro ngayong Sabado – Ayala Malls Manila Bay 3:00 PM Ub vs. Cebu; 4:25 PM Ulaanbaatar vs. Manila; 7:00 PM Zavkhan vs. Cebu; 8:25 PM Zaisan vs. Manila.





Comments