FIBA 3x3 World Tour HK Masters, Cebu nabigo
- BULGAR
- Nov 28, 2022
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 28, 2022

Hindi dumating ang inaasam na pasiklab at sa halip ay uuwi muling luhaan ang Cebu Chooks sa 2022 FIBA 3x3 World Tour Hong Kong Masters noong Sabado sa Victoria Park.
Yumuko ang numero unong koponan ng bansa sa numero uno sa buong mundo Ub Huishan NE ng Serbia, 13-19, at numero uno sa Asya na Ulaanbaatar MMC Energy ng Mongolia, 15-21, at magtapos ng ika-11 sa 16 kalahok.
Lamang ang Serbia sa buong laban, maliban sa saglit na tablang 2-2 matapos ang free throw ni Mike Harry Nzeusseu. Umabot ng 10 ang agwat, 18-8, subalit nanaig ang depensa ng Cebu sa huling 2 minuto at maiwasan ang maagang pagtatapos ng 10 minutong laro.
Nagtapos si Nzeusseu na may 8 puntos. Tig-dalawang puntos sina Mark Jayven Tallo at Marcus Hammonds II at isa ang ambag ni Brandon Ramirez.
Sumunod na tinalo ng Ub ang Ulaanbaatar kaya naging knockout ang huling laro sa Grupo A. Subalit walang nagawa ng Cebu sa umaapoy na shooting ni playing coach Steve Sir na gumawa ng limang two-points patungo sa 12 puntos.
Lamang din sa buong laro ang Ulaaanbaatar at ang huling shoot ni Coach Sir ang nagtakda sa iskor sa 20-15, at 3:24 sa orasan. Hindi makapuntos ang Cebu at tinuldukan ni Otgonjargal Tsogt ang laban na may 2:49 nalalabi.
Hindi rin pinalad si Tallo sa Two-Point Shootout at nakapasok ng tatlo lang sa 10 bola sa qualifier. Pasok sa finals sina Marko Savid ng Beijing, Aurelius Pukelis ng Sakiai Gulbele at Stefan Kojic ng Liman Huishan NE na parehong naka-shoot ng 7 at Tommy Nixon ng HKG Island na may anim.





Comments