top of page
SHEET - ARCHIE, NAKITAAN NI GEE NG 2 SACHETS NG DRUGS SA KOTSE-IG _archiealemania & _ogied

Ferry tumaob at lumubog, 8 patay, 18 missing

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 3 min read

ni Justine Berganio @Overseas News | September 1, 2026



Ferry sink, capsized boat in Kyrenia, Northern Cyprus - Reuters

Photo: Kyrenia, Northern Cyprus - Reuters



Patay ang walong katao habang 18 ang nawawala matapos tumaob at lumubog ang isang pampasaherong bangka sa karagatan malapit sa Kyrenia, Northern Cyprus nitong Linggo.


Sakay ng fast ferry ang 259 pasahero at walong tripulante nang magsimulang pasukin ng tubig ang sasakyang-dagat matapos itong umalis sa Kyrenia alas-12:30 ng tanghali.

Ayon kay Ünal Üstel, punong ministro ng self-declared Turkish Republic of Northern Cyprus, dalawang malalaking alon ang tumama sa bangka bago ito tuluyang tumaob. Sinabi niyang habang sinusubukang makabawi ng kapitan mula sa unang alon, sinalpok ito ng ikalawa at nagsimulang lumubog.


Agad na rumesponde ang mga coast guard boat at helicopter habang nag-abang naman ang mga ambulansiya sa dalampasigan para sa mga nailigtas. Karamihan sa mga sakay ay naiulat na nasagip, kabilang ang humigit-kumulang 100 pasaherong nakarating sa pampang.


Kabilang sa mga tumulong sa rescue si Mustafa Koc, na tinatayang 65 katao ang nailigtas gamit ang sarili niyang bangka. Ayon sa kanya, maalon ang dagat at mas ligtas sanang ipinagpaliban ang biyahe hanggang kumalma ang kondisyon.


Naiulat ding dumating ang ferry sa Kyrenia isang araw bago ang insidente at mayroon umano itong pinsala sa unahang bahagi. Hindi pa malinaw kung may kaugnayan ito sa paglubog.


Samantala, inaresto ang kapitan at pitong crew members habang isinasagawa ang imbestigasyon upang matukoy kung paano nangyari ang sakuna at kung may kapabayaan.


Tuluyang lumubog ang 40-metrong Filo Jet ferry na may lapad na 10 metro at may bandilang Turkey. Sinisikap ngayon ng mga awtoridad na mabawi ang black box upang makatulong sa pagtukoy sa eksaktong pangyayari bago ito tumaob.


Patuloy naman ang search and rescue operation ng mga awtoridad ng Northern Cyprus at Turkey para sa 18 pasaherong hindi pa natatagpuan, habang hindi pa inilalabas ang kumpletong impormasyon hinggil sa mga nasugatan at kanilang mga nationality.


Nangako si Üstel na walang pananagutan ang mapalalampas kung mapatutunayang may kapabayaan sa insidente, habang nagpahayag naman ng pakikiramay si Turkish President Recep Tayyip Erdogan sa mga biktima at kanilang pamilya.





BABAE NAG-AMOK SA ISTASYON NG TREN, NANAKSAK, 31-ANYOS, TODAS



  • Rosenheim, Bavaria, Germany train station
    Circulated, FB


NASAWI ang isang 31-anyos na Briton matapos pagsasaksakin sa isang railway station sa Rosenheim, Bavaria, Germany madaling-araw nitong Linggo.


Ala-1 ng madaling-araw nang atakihin ang babae sa istasyon. Agad siyang isinugod sa ospital dahil sa malubhang tinamong pinsala, subalit idineklarang patay makaraang hindi maligtas.


Naaresto naman sa mismong lugar ang isang 27-anyos na German national na itinuturing na suspek sa krimen. Dinala siya sa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang pagharap sa korte.


Hindi pa batid ng mga awtoridad kung magkakilala ang biktima at suspek, gayundin ang motibo sa pananaksak. Patuloy na iniimbestigahan ng German police at prosecutors

ang buong pangyayari.


Nanawagan ang pulisya sa sinumang nakasaksi sa umano’y pagtatalo o pisikal na komprontasyon sa istasyon mula Sabado ng gabi hanggang Linggo ng madaling-araw na makipag-ugnayan sa mga imbestigador.


Samantala, sinabi ng alkalde ng Rosenheim na walang nakikitang indikasyon na may banta sa seguridad ng lungsod o koneksyon ang insidente sa kasalukuyang Rosenheimer Herbstfest, isang malaking festival sa lugar.


Ang Rosenheim ay mahalagang rail hub sa Upper Bavaria at dinaraanan ng mga biyaherong patungo sa ilang lungsod sa Austria gaya ng Vienna, Salzburg at Innsbruck.

Nakipag-ugnayan naman ang British Foreign Office sa pamilya ng biktima at sa mga lokal na awtoridad upang magbigay ng kinakailangang tulong habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page