Ferry service sa Laguna De Bay at Manila Bay, iwas-trapik
@Editorial | Enero 16, 2024
Mula noon hanggang ngayon, sakit sa ulo pa rin ang matinding trapik.
Maraming oras ang nasasayang at kabuhayang nalulugi.
Iba-ibang diskarte na ang ginawa ng mga otoridad para maibsan ito pero, sadyang malala na ang problema.
Sa ngayon, isa sa pinag-aaralan ay ang pagkakaroon ng ferry service sa Laguna de Bay at Manila Bay na dudugtong sa Pasig River.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ‘yung Cavite ay madudugtong sa Manila. Target ng Department of Transportation (DOTr) na matapos ang pag-aaral ngayong taon.
Napag-alaman na patuloy na tumataas ang ridership sa Pasig River Ferry Service.
Nakapagtala ang MMDA ng 254,000 na pasahero nitong 2023 ng ferry service na mas mataas kumpara sa 170,000 noong 2022.
Dumarami ang nagpe-ferry dahil walang trapik, mas mabilis ang biyahe at libre pa sa ngayon.
Inaasahang tataas pa ang ridership nito sa oras na matapos ang pagpapatayo at pagpapaayos ng mga istasyon sa Intramuros, Bridgetown sa Libis, PUP sa Sta. Mesa, at Marikina.
Magdadagdag din ang MMDA ng apat pa na bangka.
Masasabing malaking tulong ang ferry service sa publiko na pagod nang sumabak sa araw-araw na trapik. Sana maging maayos ang pag-aaral at mas mapalawak ang serbisyo.
Basta ligtas at makakatulong sa mga mananakay, dapat suportahan.



Comments