top of page
Search
  • BULGAR

Ferrer MVP, 2 pts ni Villasin, nagpa-kampeon sa UST Women's

ni Anthony E. Servinio @Sports | December 7, 2023



Ipinasok ni Nikki Villasin ang pinakamalaking dalawang puntos ng taon upang ihatid sa University of Santo Tomas ang kampeonato ng 86th UAAP Women’s Basketball laban sa defending champion National University, 71-69 kahapon sa Araneta Coliseum. Ito na ang pagbabalik ng tropeo sa Growling Tigresses matapos huling hawakan ito noong 2006.


Hindi nagkulang ng bayani ang UST lalo na sa mahigpit na huling minuto. Binuo ni Mythical Five Kent Pastrana ang paghabol mula sa pagkalugmok ng 46-61 at itinabla ang laro sa 69-69 at 25 segundo sa orasan.


Tumawag ng timeout ang NU at nagmintis ang kanilang tira. Biglang napunta ang bola sa tumatakbong si Villasin para palamangin ang UST at may 11 segundong nalalabi.


Sa huli, depensa ang sumalba sa Tigresses at itinapik palabas ang bola na may anim na segundo pa. May huling pagkakataon ang NU subalit hindi nila araw at isinuko ang titulo na hawak nila ng pitong sunod na UAAP.


“Itinaas ng NU ang antas ng Women’s Basketball at sila ang inspirasyon namin,” wika ni champion coach Haydee Ong. “Salamat sa suporta at sana ay naipakita namin na magandang panoorin din ang Women’s.”


Hinirang na Finals MVP si Reynalyn Ferrer na gumawa ng 19 puntos at 14 rebound sa kanyang huling laro para sa UST. Ito rin ay malaking pagbangon ni Ferrer mula sa pilay na tuhod na dahilan ng kanyang pagliban ng isang taon.


Nandiyan din si Pastrana na nagtala ng 16 puntos at tuldukan ang kanyang unang taon matapos lumipat galing De La Salle University kung saan napili siyang Rookie of the Year ng 84th UAAP. Nag-ambag ng 12 ang balikbayan na si Villasin na tinupad ang kanyang pangarap noong dumating siya galing Amerika. Tiyak na malaking puwang ang lilikhain bunga ng pagtatapos ni Ferrer subalit kampante si Coach Ong sa kinabukasan ng Tigresses.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page