Ferolino at Guanzon sa COMELEC
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 05, 2022
Ilang araw na natin sinusundan ang mga nangyayari sa COMELEC, lalo na ang mga pahayag na nanggagaling kay Commissioner Rowena Guanzon.
Napakatahimik ng karamihan ng COMELEC Commissioners at ang maririnig na tinig lamang ay mula sa kaisa-isang Commissioner kaugnay sa mainit na kontrobersiya tungkol sa “disqualification case ni BBM”.
Ayon sa kasong inihain mga grupong Akbayan; CARMMA (Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law) at isa pang grupo na diumano’y bahagi ng Partido Federal ng Pilipinas (ang grupong pinili ni BBM para sa kanyang kandidatura), dapat ma-disqualify ang kandidatura nito dahil sa kanyang kaso na “Tax Evasion Cases bilang vice-governor at governor ng Ilocos Norte noong 1982 hanggang 1985.
Batay sa Internal Revenue Code ng 1977, ang hindi pagbabayad ng buwis ng opisyal ng pamahalaan ay maaaring parusahan ng diskuwalipikasyon sa pagtakbo bilang lingkod-bayan o “disqualification from holding public office.”
Ayon kay Guanzon, bagama’t nagdesisyon ang Court of Appeals na hindi ide-disqualify si BBM sa pagtakbo sa anumang posisyon bilang lingkod-bayan sa kabila ng malinaw na paglabag ng batas, siya ay malinaw na may sala ng “moral turpitude” o kahiya-hiyang kasalanan.
Ayon din sa batas, matibay itong batayan para sa diskuwalipikasyon ng kandidato. Ang ganitong masamang halimbawa ay nagpapakita ng seryosong kahinaan ng moralidad ng sinumang naghahangad na maging kandidato.
Dapat nakapagdesisyon na ang first division ng COMELEC na pinamumunuan ni Guanzon hinggil sa isyu. Subalit, malinaw na pinatatagal ni Commissioner Aimee Ferolino ang paglabas ng desisyon ng first division ng COMELEC para tuluyang hindi mabilang ang boto ni Guanzon.
Nanawagan din siya kay Ferolino na sumabay mag-resign sa COMELEC upang ipagtanggol ang integridad nito.
Ayon kay Ferolino, hindi niya pinababagal ang desisyon ng COMELEC first division, kundi iniiwasan lang niyang magkamali sa desisyon sa mga petisyong pinag-aralan at kanilang pagpapasyahan.
Malinaw ang posisyon ni Guanzon sa kaso ng diskuwalipikasyon ni BBM dahil siya ay lumabag sa batas at nagbigay ng masamang halimbawa dahil sa kanyang moral turpitude. Hindi na naghintay si Guanzon na magretiro at hindi na magamit ang kanyang boto bilang miyembro ng COMELEC first division. Ipinahayag niya ang kanyang pananaw at desisyon tutol sa pagtakbo ni BBM. Bagama’t mapupulaang “ilegal” ang ginawa ni Guanzon, malinaw na sinusunod niya ang batayan ng moralidad na higit pa sa batas o anumang legal.
Noong malinaw na ang mangyayari sa dalawang unang araw ng Pebrero 2022, nagpasya tayong pumunta sa COMELEC noong Lunes, ika-1 ng Pebrero 2022 upang ibigay ang suporta kay Commissioner Rowena Guanzon. Pero sa kasawiang-palad, inabutan tayo ng matinding pananakit ng sikmura at kailangan magpaospital.
Nagsimba muna si Guanzon sa Manila Cathedral at sa paglabas nito, naghihintay na ang mga kasapi ng media upang kunan ng pahayag ang COMELEC Commissioner. Malinaw, matibay at matapang ang posisyon ni Guanzon. Hindi dapat patakbuhin si BBM dahil sa kanyang kaimbihang moral.
Unang nawalan ng moralidad ay ang Philippine National Police (PNP) sa pagsulong ng polisiyang ‘tokhang’ na nagbunga ng libu-libong pagpatay sa naturang sangkot sa ilegal na droga at nanlaban umanong mamamayan. Isa pang malinaw na nawalan ng moralidad ay ang Department of Health kaugnay sa anomalyang kinasangkutan nito hinggil sa maling paggamit nito ng bilyun-bilyong pondo na nakalaan para sa tamang pagtugon sa pandemya.
Maraming biktima ng inhustisya at manipulasyon ang tila kinalimutan na tulad nina Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Maria Ressa at Senadora Leila de Lima. Patuloy na ginagamit ang batas bilang instrumento ng inhustisya laban sa mga lumalaban para sa katotohanan at katarungan.
Maraming ulit nang sumingaw ang baho ng COMELEC mula noong panahon ng Hello Garci at ng 7-oras na nawalan ng kuryente noong halalan ng 2019. Walang opisyal ng COMELEC na nanindigan sa mga panahong iyon. Tahimik ang buong COMELEC sa harap ng mga hahina-hinalang pangyayari. Sa pagkakataong ito, merong isang tinig na lumitaw at nagbigay-liwanag sa kadilimang lumalaganap.





Comments