FC Iloilo, pinitpit ang Manila FC; Herb Cebu, binigo ang Laguna
ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 29, 2022

Pinatibay ng Kaya FC Iloilo ang hawak nila sa numero unong pwesto nang durugin ang Maharlika Manila FC, 4-1, sa pagtatapos ng ika-apat na linggo ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) hatid ng Qatar Airways Sabado sa Rizal Memorial Stadium.
Kasabay nito ay binitin ng bisitang Dynamic Herb Cebu FC ang Stallion Laguna FC, 4-3, sa Binan Football Stadium.
Nagtala ng pambihirang hat trick o tatlong goal si Jarvey Gayoso upang pangunahan ang atake ng Kaya. May 13 minuto pa lang ang lumilipas ay nakauna na si Gayoso matapos bigyan ng maganda pasa ni Daizo Horikoshi at dinoble ni Carlyle Mitchell ang lamang sa ika-41 minuto.
Napilitang umupo si Maharlika goalkeeper Zaldy Abraham dahil sa matinding pulikat at pumasok si Yosuke Suzuki sa ika-66 minuto. Kinuha ang pagkakataon na malamig pa si Suzuki at rumatrat ng dalawa pang magkasunod na goal si Gayoso sa ika-79 at ika-81 minuto bago pumulot ng konsuwelong goal ang Maharlika buhat kay OJ Clarino sa ika-93 minuto at agad pumito ang reperi na wakasan ang laban.
Perpekto pa rin ang Kaya na may 12 puntos buhat sa apat na panalo. Kahit nagtagumpay hindi nagustuhan si Coach Yu Hoshide na naging kampante ang koponan lalo na noong lumaki ang lamang at nalusutan sila ng isang goal sa huling minuto.
Humataw agad ang Dynamic Herb sa first half sa likod ng dalawang goal ni Chima Ozuka at isa kay Mert Altinoz, 3-0. Maaga pa lang sa second half ay ginawang 4-0 ni Arda Cinkir ang laban subalit biglang nabuhayan ang Stallion at sunod-sunod dumating ang mga goal nina Griffin McDaniel, Abou Sy at Bryan Ybanez subalit hindi nila kakampi ang orasan at wala nang goal sa huling 11 minuto.





Comments