Fatima Phoenix, panalo kontra PNPA sa NAASCU Volleyball
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 21, 2022

Pumulot ng mahalagang panalo ang Our Lady of Fatima University Phoenix laban sa Philippine National Police Academy, 23-25, 25-17, 23-25, 25-21 at 15-10 sa 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Men’s Volleyball Tournament noong Biyernes sa Philippine Christian University sa Maynila. Wala rin nakapigil sa Enderun Colleges Lady Titans at pormal nilang winalis ang apat nilang laro sa elimination ng kababaihan kontra PCU Lady Dolphins, 25-12, 25-12 at 25-14.
Nakataya ang isang upuan sa semis, hindi namigay ng puwang ang Phoenix at Volleyball Corps sa unang apat na set. Mula sa 6-6 tabla sa huling set, humirit ng 7 sunod-sunod na puntos ang OLFU para sa pinakamalaking agwat sa laro at kumapit para sa ikalawang tagumpay sa apat na laro habang bumaba ang PNPA sa 1-3.
Samantala, isang panalo na lang ang kailangan ng PCU Dolphins upang tapusin ng perpekto ang elimination at dinaig ang palaban na St. Clare College, 25-19, 12-25, 25-23 at 25. Ito ang unang pagkakataon na namigay ang PCU ng set sa kanilang apat na panalo. “Masyado nilang pinansin ang tawag reperi kaya nawala ang diskarte noong second set,” paliwanag ni Coach Gilbert Ordon. “Pinaalala ko sa kanila na maglaro ng basic at huwag bigyan ng kumpiyansa ang St. Clare.”
Binuksan ng Technological University of the Philippines ang aksyon sa madaling 25-7, 25-11 at 25-2 pagdurog sa Enderun Titans. Tinapos ng Grayhawks ang elimination sa 4-1 habang nagpaalam ng maaga ang Titans na walang panalo sa limang laro.
Paglalabanan ng Our Lady of Fatima (2-2), St. Clare (2-2) at PNPA (1-3) ang dalawang huling puwesto sa semifinals sa huling araw ng elims ngayong Lunes sa PCU muli.





Comments